Non-working holidays, ‘di dapat bawasan – labor group
Dapat na panatilihin ang kasalukuyang bilang non-working holidays sa bansa bilang pagkilala sa mga manggagawang Pilipino.
Giit ni Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, maaapektuhan nito tiyak ang mga manggagawa.
Ang tinatanggap na premium pay ng empleyadong papasok sa trabaho sa araw ng holidays, ay isang benepisyo na nakareserba para sa kanila.
Bukod dito, nagsisilbi rin aniyang daan ang mga holidays na ito upang makapagpahinga sila sakaling magdesisyong hindi pumasok sa trabaho sa nasabing araw.
Dagdag pa ng Trabaho Partylist, kaakibat sa doktrina ng holiday economics ang mga naturang holiday subalit napapalakas nito ang lokal na turismo dahil naeenganyo ang mga manggagawa na tangkilikin ang mga bakasyunan sa bansa.
Ayon kay Javier, maaaring magsilbing oportunidad rin ang mga holiday para sa mga kumpanya upang mag-imbentaryo, mag-general cleaning o maintenance ng kanilang mga pasilidad at makina, bukod pa sa pahinga.
Iminungkahi rin niya na pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng ekonomiya.
Dapat rin aniyang palakasin ang mga proseso para sa mga negosyante para makahikayat ng maraming mamumuhunan.
Madelyn Moratillo