North Korea, ipinagdiwang ang kaarawan ng kanilang founder nang walang military parade
Sinubaybayan ni Kim Jong Un ang napakalaking public procession para ipagdiwang ang kaarawan ng founding leader ng North Korea, nguni’t lumipas ito nang wala ang inaasahang pagpapakita ng lakas militar.
Kilala bilang Day of the Sun, ang April 15 na kaarawan ng namayapa nang si Kim Il Sung, lolo ng kasalukuyang lider na si Kim Jong Un, ay isa sa pinakamahalagang petsa sa political calendar ng Pyongyang.
Sa prediksiyon ng mga analyst, ng South Korea, at ng US officials, magkakaroon ng isang military parade o kahit isang nuclear test, nguni’t ang selebrasyon nitong Biyernes ay kinapalooban ng isang civilian parade, synchronized dancing at fireworks.
Makikita sa mga larawang ipinalabas ng Korean Central News Agency, ang libu-libo kataong nakasuot ng makukulay na damit habang nagmamartsa sa Kim Il Sung Square sa kapitolyo, na pinanood naman ni Kim Jong Un mula sa isang balkonahe.
Tatlong henerasyon na ng pamilya Kim ang namuno sa North Korea, mula noong 1948.
Binisita rin ni Kim ang Kumsusan Palace of the Sun, kung saan nakahimlay ang labi ni Kim Il Sung at anak at successor na si Kim Jong Il.
Ang birthday celebrations ay ginawa tatlong linggo makaraang magsagawa ang North Korea ng pinakamalaking intercontinental ballistic missile test, ang unang pagkakataon na pinawalan ang pinakamalakas na armas ni Kim mula noong 2017.