North Korea, nagpakawala ng dalawang ballistic missiles sa dagat
Nagpakawala ng dalawang short-range ballistic missiles sa dagat ang North Korea, ilang oras matapos magsagawa ang American nuclear-armed submarine ng una nilang South Korean port call sa loob ng maraming dekada.
Ang paglulunsad ay iniulat ng Joint Chiefs of Staff (JCS) ng South Korea, na nagsabing pinakawalan ang missiles mula sa Sunan area sa Pyongyang, at lumipad ng mga 550 kilometro (340 milya) bago bumagsak sa East Sea, na kilala rin bilang Sea of Japan.
Kinondena ng JCS ang naturang paglulunsad bilang “isang probokasyon” at isang malinaw na paglabag sa mga resolusyon ng UN Security Council.
Naitala rin ng defense ministry ng Japan ang nasabing paglulunsad.
Nakasaad sa isang tweet ng Japanese defense ministry, “We are analyzing details, but we estimated that they have fallen outside Japan’s exclusive economic zone, east of the Korean Peninsula.”
Ang nangyaring paglulunsad ang pinakabago sa isang serye ng weapons tests ng Pyongyang, at ginawa habang pinalalakas ng Seoul at Washington ang kanilang defense cooperation sa harap ng tumitinding tensiyon sa NoKor.
Noong Martes, idinaos nila ang unang Nuclear Consultative Group meeting sa Seoul at inihayag ang tungkol sa isang American nuclear submarine na magsasagawa ng port visit sa Busan sa unang pagkakataon mula noong 1981.
Ang hakbang ay inaasahang magti-trigger ng isang matinding tugon mula sa North Korea, na paulit-ulit na tinututulan ang pagkakaroon ng US nuclear asset na naka-deploy sa paligid ng Korean peninsula.
Ang nabanggit na paglulunsad ay nangyari rin wala pang isang linggo makaraang personal na pangasiwaan ni North Korean leader Kim Jong Un, ang pagpapakawala sa pinakabagong intercontinental ballistic missile ng bansa, ang solid-fuel Hwasong-18.
Natigil ang diplomasya sa pagitan ng Pyongyang at Seoul at nanawagan si Kim na palakasin ang pagbuo ng mga armas, kabilang ang tactical nukes.
Bilang tugon ay nagsagawa ang Seoul at Washington ng joint military exercises gamit ang advanced stealth jets at US strategic assets.
Nangyari rin ang paglulusad sabay nang pagkumpirma ng Washington, na isang sundalong Amerikano ang pinaniniwalaang ikinulong sa North Korea makaraang tumawid sa border.