North Korea, nangakong palalawakin at paiigtingin ang kanilang military drills
Sinabi ng mga pangunahing opisyal sa hukbo ng North Korea, na palalawakin at paiigtingin nila ang mga pagsasanay militar upang matiyak ang kanilang kahandaan para sa digmaan.
Ang pangako ay ginawa sa isang pulong nitong Lunes na pinangunahan ng lider na si Kim Jong Un, at kasunod ng isinagawang joint air drills ng South Korea at Estados Unidos nitong nagdaang linggo.
Ayon sa opisyal na Korean Central News Agency, pangunahin sa agenda ang “isyu ng patuloy na pagpapalawak at pagpapa-igting sa operasyon at combat drills ng Korean People’s Army, na mahigpit na pinagbubuti ang kahandaan para sa giyera.”
Ang pagpupulong ng central military commission ng North Korea ay ginawa habang iminumungkahi ng commercial satellite imagery na ang “puspusang paghahanda sa parada” ay sinisimulan na sa Pyongyang bago ang mga pangunahing state holidays ngayong buwan.
Ipagdiriwang ng North Korea ang founding anniversary ng kanilang sandatahang lakas ngayong Miyerkoles at ang “Day of the Shining Star” sa Pebrero 16. Ang huling nabanggit na petsa ang kaarawan ni Kim Jong Il, anak ng founder ng North Korea na si Kim Il Sung na ama ni Kim Jong Un.
Ang Seoul at Washington ay kumilos upang palakasin ang kanilang joint military drills kasunod ng isang taon nang weapons tests na isinasagawa ng North Korea na nagresulta sa mga sanction, na ikinagalit naman ng Pyongyang na nakikitang iyon ay pagsasanay ng dalawang nabanggit na bansa para sa sa pagsalakay.
Nitong nakalipas na linggo, nagsagawa ng joint air drills ang security allies na kinatatampukan ng strategic bombers at stealth fighters, na nagtulak sa Pyongyang para magbabala na ang nabanggit na mga pagsasanay ay maaaring maging simula ng isang “all-out showdown.”
Ang naturang joint exercises, na siyang una ngayong taon, ay ginawa isang araw matapos mangako ni US Defense Secretary Lloyd Austin at ng kaniyang South Korean counterpart, na palalakasin ang security cooperation upang kontrahin ang lalong nagiging palabang North Korea.
Una nang sinabi ng foreign minister ng North Korea, “The move to ramp up joint drills crossed an extreme red line.”
Sinabi ng mga eksperto na ang pagpupulong nitong Lunes ng matataas na opisyal ng North Korea, ay naglalayong i-highlight ang kahandaan ng bansa na harapin ang paparating na joint military drills sa pagitan ng South Korea at United States, at binigyang-diin din na handa ito para sa isang aktwal na giyera.
Ayon kay Hong Min, researcher sa Korea Institute for National Unification, “North Korea is hinting about the possibility of military action in the future in the name of operational and combat training and war preparedness.”
Kamakailan, nanawagan si Kim ng “exponential” increase sa nuclear arsenal ng Pyongyang, kabilang na ang maramihang produksiyon ng tactical nuclear weapons at pagbuo ng mga bagong missile para sa nuclear counterstrikes.
Sinabi rin ni Kim na ang kanyang bansa ay dapat na “lubhang palakasin ang kaniyang military muscle” ngayong 2023 bilang tugon sa tinawag ng Pyongyang na “hostility” ng US at South Korea.
© Agence France-Presse