North Vietnam nalubog sa baha dahil sa Typhoon Yagi, bilang ng mga namatay tumataas
Inaasahang daranas pa ng matinding baha ang ilang bahagi ng hilagang Vietnam, kabilang ang kabisera na Hanoi, habang patuloy naman sa pagtaas ang bilang ng mga namatay na resulta ng pananalasa ng Bagyong Yagi na siyang pinakamalakas na bagyong tumama sa Asya sa taong ito sa ngayon.
Sa huli nilang update sa sitwasyon ay sinabi ng disaster management agency, na ang mga landslide at mga pagbahang dulot ng bagyo ay ikinamatay na ng hindi bababa sa 65 katao habang 39 naman ang nawawala sa hilaga.
Karamihan sa mga biktima ay namatay sa landslides at flash floods, ayon sa ahensya at idinagdag na 752 katao rin ang nasaktan.
Sa ulat naman ng state media, ang iba pang lugar sa hilaga kabilang ang industrial hubs ng Bac Giang at Thai Nguyen na kinaroroonan ng ilang export-oriented multinationals gaya ng Samsung Electronics at Apple supplier na Foxconn, ay nakaranas din ng matinding pagbaha. Hindi agad malinaw kung ang nabanggit na mga kompanya ay naapektuhan.
Ang bagyo ay naglandfall noong Sabado sa northeastern coast ng Vietnam, sinira ang malaking bahagi ng industrial at residential areas at nagbagsak ng malalakas na ulan na nagdulot ng mga pagbaha at landslides. Una na itong tumama sa Pilipinas at sa southern Chinese island ng Hainan.
A general view of a factory belonging to LG Electronics collapsed following the impact of Typhoon Yagi, in Trang Due Industrial Zone, Hai Phong city, Vietnam, September 9, 2024. REUTERS/Minh Nguyen
Ayon pa sa disaster agency at state media, ilang mga ilog sa northern Vietnam ang tumaas sa alarming levels, na nagpalubog sa maraming villages at residential areas.
Nitong Lunes ay gumuho ang isang 30-taong gulang nang tulay sa Red River sa northern province ng Phu Tho, na sanhi ng pagkawala ng walo katao batay sa pahayag mula sa provincial People’s Committee.
Kaugnay nito ay ipinagbawal o nilimatahan ng mga awtoridad ang biyahe sa iba pang mga tulay sa magkabilang panig ng ilog, kabilang ang Chuong Duong Bridge, na isa sa pinakamalaki sa Hanoi.
Sa post ng gobyerno sa kanilang social media account ay nakasaad, “Water levels on the Red River are rising rapidly.”
Gamit ang public loudspeakers na karaniwang ginagamit sa pag-aanunsiyo ng Communist propaganda sa nakalipas na panahon, binabalaan ng mga opisyal ang mga residente sa tabing-ilog ng kapitolyo ng Long Bien district na maging alerto sa posibleng mga pagbaha, at maging handa sa paglikas.
People remove fallen trees following the impact of Typhoon Yagi, in Hai Phong, Vietnam, September 8, 2024. REUTERS/Minh Nguyen/ File Photo
Sa ulat ng state broadcaster na VTV, nalubog na sa baha ang mga village sa labas ng Hanoi, at inililikas na ng mga awtoridad ang mga residente mula roon.
Nagkakaroon na rin ng mga paglikas sa mga flood-prone area sa Bac Giang province, kung saan ang bagyo at baha ay nagresulta na sa pinsala na sa ngayon ay tinatayang nagkakahalaga ng 300 billion dong ($12.1 million).
Mahigit sa 4,600 mga sundalo ang idineploy sa lalawigan upang suportahan ang paglikas at ang mga biktima ng pagbaha.
Ang lalawigan ng Lao Cai ang nakapagtala ng pinakamaraming namatay na umabot sa 19 habang 11 ang nawawala na ang karamihan ay dahil sa landslides.
Lumubog din sa baha ang 148,600 ektarya o halos 7% ng palayan sa northern Vietnam at 26,100 ektarya naman ng cash crops ang nasira at halos 50,000 mga bahay sa northern Vietnam.