Norway naglagay ng solar panels sa Svalbard archipelago

AFP

Nag-install ang Norway ng solar panels sa kanilang Svalbard archipelago, isang rehiyon na buong araw na madilim kapag winter, o panahon ng tag-lamig.

Ito ay isang pilot project na maaaring makatulong sa transition ng liblib na Arctic communities sa green energy.

Maayos na nakalinya sa anim na hanay sa isang field, sa Huwebes ay magsisimula nang magbigay ng kuryente ang 360 solar panel sa isang lumang shipping radio station, ang Isfjord Radio, na ngayon ay ginawa nang isang base camp para sa mga turista.

Ang windswept archipelago na kilala rin sa tawag na Spitsbergen, ay nasa may 1,300 kilometro (800 milya) mula sa North Pole at mararating lamang sa pamamagitan ng bangka o helicopter, kung maganda ang lagay ng panahon.

Ayon kay Mons Ole Sellevold, renewable energies technical adviser sa state-owned energy group na Store Norske, “It’s what we believe to be the world’s northernmost ground-mounted PV (photovoltaic) system. It’s the first time anyone has done it at this scale in the Arctic.”

May bukod ding 100 solar panels na nakalagay sa bubong ng radio station, na hanggang ngayon ay tumatakbo sa pamamagitan ng diesel generators — na magbibigay ng halos kalahati ng kinakailangan nitong elektrisidad at puputol sa kaniyang CO2 emissions.

Sa tag-init, ang rehiyon ay mayaman sa liwanag, kung saan ang isang “midnight sun” ay hindi lumulubog.

Ang mga solar panel ay makikinabang din mula sa “albedo” effect, ang reflective power ng snow at ice, pati na rin sa mababang temperatura na daan upang maging mas “efficient” ito.

Ngunit sa tag-lamig o winter, ang rehiyon ay nababalot ng dilim mula sa pag-uumpisa ng Oktubre hanggang sa kalagitnaang ng Pebrero, kaya’t imposible para sa Isfjord Radio na tuluyang ihinto ang paggamit ng fossil fuels.

Dahil dito ay ikinukonsidera rin ng Store Norske ang iba pang mga alternatibo, gaya ng wind farms, upang palawakin pa ang green transition ng istasyon.

Sinabi ni Sellevold, na ang hakbang ay udyok ng mga pagsasaalang-alang sa kapaligiran pati na rin ang mga salik sa ekonomiya, dahil ang diesel ay magastos bilhin at ibiyahe, habang ang mga solar panel ay madaling imantini at hindi nasisira.

Aniya, ang layunin ay gamitin din ang installation bilang isang pilot project upang makita kung ang teknolohiya ay magagamit ng humigit-kumulang 1,500 iba pang mga site o komunidad sa Arctic, na hindi nakakabit sa tradisyonal na grids ng kuryente at kailangan ding lumipat sa green energy.

Sabi pa ni Sellevold, “We want to make Isfjord Radio a test site to … get an Arctic-proven technology that we can afterwards take to other locations like this.”

Batay sa isang pag-aaral na nalathala noong isang taon, ang Arctic ay uminit nang halos apat na beses na mas mabilis kaysa ibang bahagi ng planeta sa nakalipas na 40 taon, na naging sanhi ng mabilis na pagkatunaw ng yelo at pagkasira ng ecosystems.

Nakaapekto ito kapwa sa mga lokal na populasyon at nalalabing bahagi ng mundo, sa pamamagitan ng pagtaas ng lebel ng dagat at extreme weather events.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *