Notaryo sa petisyon ni de Lima sa SC, palsipikado ayon sa office of the SOLGEN
Pinuna ng Office of the Solicitor General ang anila’y palsipikadong notaryo sa petisyon ni Senadora Leila de Lima sa Korte Suprema.
Sa manifestation ng OSG na pirmado ni Solicitor General Jose Calida, hiniling nito sa Supreme Court na ibasura ang petisyon ng Senadora dahil ang abogado na nag- notaryo sa petisyon ay hindi naman nag-subscribe at nagpanumpa nito kay de Lima.
Ayon sa OSG, partikular na dinaya ang tinatawag na “Jurats” o notaryo sa pahina ng verification and certification against forum shopping at affidavit of merits sa petisyon ni de Lima.
Nakalagay anila na ang nag-notaryo rito ay isang Atty. Maria Cecille C. Tresvelles-Cabalo noong Pebrero 24, 2017.
Pero paliwanag ng SolGen, batay sa logbook sa PNP Custodial Center Unit at sa mga salaysay ng PNP guards –hindi nila nakita si Atty. Cabalo na pumasok sa detention cell ni de Lima para panumpaan at lagdaan ang petisyon noong Pebrero 24.
Si Cabalo ay sinasabing sorority sister ni de Lima sa Lamba Rho sa San Beda College of Law.
Giit ng OSG, Dahil sa palsipikado ang petisyon ay marapat lang na ibasura ng Supreme Court ang petisyon ni de Lima na kumukwestyon sa hurisdiksyon at pagpapaaresto sa kanya ng Muntinlupa Regional Trial Court.
Alinsunod sa Revised Penal Code, ang falsification ay isang criminal act.
Ang abogado o partido na mapapatunayang gumawa ng falsification ay maaring patawan ng indirect contempt sa ilalim ng rules of court.
Ulat ni : Moira Encina