Note verbale ipapadala ng Pilipinas sa Tsina kaugnay sa sinasabing pagharang sa naval boat ng PH Navy at sapilitang pagkuha sa rocket debris sa Pag-asa Island
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaliwanag ng Tsina ang insidente malapit sa Pag-asa Island kung saan puwersahan umano na kinuha ng Chinese Coast Guard ang rocket debris mula sa mga tauhan ng Philippine Navy noong Linggo.
Sinabi ni Pangulong Marcos na magpapadala ang Pilipinas ng note verbale sa Tsina upang linawin ang pangyayari sa Pag-asa island.
Aniya, salungat ang ulat ng militar ng Pilipinas at ang pahayag ng Tsina ukol sa isyu.
Ayon kay Marcos, tiwala at naniniwala siya sa Philippine Navy at mahalaga na maresolba ang usapin.
Naniniwala ang pangulo na mahalaga na magkaroon ng mekanismo upang maiwasan ang mga katulad na insidente na lumaki dahil sa hindi pagkakaunawaan.
Isa aniya ang mga nasabing isyu sa kaniyang tatalakayin sa Tsina sa pagbisita niya doon sa darating na Enero.
Inakusahan ng Philippine Navy ang Chinese Coast Guard ng sapilitang pagkuha sa rocket fragments sa pinagaagawang isla sa South China Sea noong Linggo.
Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsasagawa ito nang masinsinan na pag-rebyu sa insidente.
Sinabi ni DFA Spokesperson Assistant Secretary Ma. Teresita Daza na batid ng kagawaran ang pangyayari.
Sa oras aniya na matanggap ng DFA ang mga ulat mula sa mga kinauukulang otoridad ay kanila itong pag-aaralan.
Sa statement na inilabas ng Chinese Embassy, itinanggi ng Tsina ang pahayag ng militar ng Pilipinas.
Ayon sa Embahada, bago pa man makita ng Coast Guard ng Tsina ang hindi tukoy na floating object sa tinatawag nilang Nansha Islands ay nakuha at nahatak na ito ng mga tauhan ng Philippine Navy.
Pero matapos ang “friendly consultation” sa panig ng Pilipinas ay ibinalik ang floating object sa Chinese Coast Guard at nagpasalamat ang Tsina sa Navy personnel.
Nilinaw pa ng China na walang pagharang sa Naval Station Emilio Liwanag ng Philippine Navy at walang puwersahan na pagsamsam ng rocket fairing.
Ang insidente ay nangyari isang araw bago ang pagbisita noong Lunes sa bansa ni U.S. Vice President Kamala Harris.
Binigyang- diin ni Harris sa kaniyang pakikipagpulong kay Pangulong
Marcos ang alyansa ng Amerika at Pilipinas at ang kahandaan ng U.S. para idipensa ito sa armadong atake sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
Samantala, sinabi naman ni Senate Foreign Relations Committee Chair Senator Imee Marcos na hindi nakikipaggiyera ang Pilipinas sa Tsina.
Aniya, pwedeng pag-usapan ng magkabilang panig ang isyu at dapat din pinuhin ang mga rules of engagement.
Sinabi pa ni Marcos na dapat kumilos nang propesyonal at maingat ang militar at pulisya.
Naniniwala ang senadora na dapat ay ipinabatid muna ng militar sa mga Chinese na sila ay nasa karagatang sakop ng Pag-asa Island.
Dapat din aniyang alamin muna kung sino sa Tsina o Pilipinas ang nagma-may-ari ng debris.
Moira Encina