Novavax, inaprubahan na ng WHO bilang ika-10 authorized COVID-19 jab
Inaprubahan na ng World Health Organization (WHO) ang isang COVID-19 vaccine na ginawa ng US pharma giant na Novavax para sa emergency use, matapos iyong bigyan ng “go signal” ng European Union medicines regulator.
In-assess at inaprubahan ng European Medicines Agency ang Novavax nitong Lunes.
Ginamitan ito ng mas konbensiyonal na teknolohitya kaysa iba na una nang naaprubahan, kaya’t umaasa ang mga opisyal sa Brussells na makatutulong ito para hikayatin ang mga nag-aalangan pang magpabakuna.
Ginamit dito ang isang tradisyunal na teknolohiya na kinapapalooban ng mga protinang matatagpuan sa coronavirus spike proteins na siyang magti-trigger sa immune response.
Ito ay isang “tried and tested” approach, na ilang dekada nang ginagamit para bakunahan ang mga tao laban sa mga sakit gaya ng hepatitis B at whooping cough.
Ang isang tinatawag na emergency use listing (EUL) ng WHO ang nagbigay daan para agad na aprubahan at mag-angkat ang mga bansa sa buong mundo ng bakuna para ipamahagi.
Iyon din ang nagbukas sa kanila ng pinto para pumasok sa Covax global vaccine-sharing scheme, na itinatag para magkaroon ng pantay na access sa doses ang buong mundo, partikular ang mahihirap na mga bansa.
Ang two-shot Nuvaxovid jab ang 10th COVID-19 vaccine na binigyan ng EUL ng UN health agency.
Ayon sa WHO . . . “Nuvaxovid was around 90-percent effective at reducing symptomatic cases of COVID-19 in two major clinical studies, one in Britain and the other in the United States and Mexico, involving more than 45,000 people.”
Sa isang hiwalay na pahayag, inirekomenda ng Strategic Advisory Group of Experts on Immunization ng WHO, na ang dalawang doses ng bagong vaccine ay ibigay sa mga lampas edad 18 , sa pagitan ng tatlo hanggang apat na linggo.
Maaari iyong i-imbak sa refrigerated temperatures sa pagitan ng 2 at 8 antas ng sentigrado, kaya’t mas may bentaha itong makaabot sa mga rehiyong mahirap marating, kaysa mRNA vaccines na kailangang i-imbak sa lubhang malamig na temperatura. (AFP)