NSYNC, muling nagsama-sama para sa una nilang kanta makalipas ang higit dalawang dekada
Inilabas na ng boy band na NSYNC ang una nilang awitin makalipas ang mahigit 20 taon, kung saan muli silang nagsama-sama upang i-record ang “Better Place” para sa soundtrack ng paparating na pelikulang “Trolls.”
Noong nakaraang buwan ay nagpahiwatig na ang grupo tungkol sa muli nilang pagsasama-sama bago lumabas sa MTV Video Music Awards, kung saan iprinisinta nila kay Taylor Swift ang napanalunan nitong award na ikinatuwa naman nito at fans sa buong mundo.
Ang bagong track ay tila nagpanumbalik sa late ‘90s at early 2000’s dancable bubblegum pop na siyang nagpasikat sa NSYNC.
Ang grupo sa likod ng smash songs gaya ng “Tearin’ Up My Heart” at “Bye Bye Bye” ay nakita na ring magkakasama sa mga nakaraan, ngunit ito ang unang pagkakataon na naglabas sila ng awitin simula nang lumabas ang kanilang 2001 album na “Celebrity.”
Noong 2002 ay inanunsiyo ni Justin Timberlake na magso-solo na siya, at noong 2007 ay sinabi ng miyembrong si Lance Bass na ang grupo na kinabibilangan din nina JC Chasez, Joey Fatone at Chris Kirkpatrick ay opisyal nang “disbanded.”
Paliwanag ni Timberlake tungkol sa kaniyang naging desisyon noon, “It started as a fun snowball fight that was becoming an avalanche. And, also, I was growing out of it. I felt like I cared more about the music than some of the other people in the group. And I felt like I had other music I wanted to make and that I needed to follow my heart.”
Ang 42-anyos na ngayong si Timberlake, ay noong 2016 pa na-involve sa “Trolls” franchise at kasama sa soundtrack ng unang pelikula ang kaniyang hit single na “Can’t Stop the Feeling!” kung saan nakakuha siya ng isang Oscar nomination.
Sa awiting “Better Place,” lahat ng limang miyembro ay nagkaroon ng pagkakataong magningning, habang ang chorus ay pinangunahan naman ni Timberlake.
Sa kaniyang post sa Instagram kamakailan, ay nagpahiwatig si Timberlake tungkol sa bagong track sa pagsasabing, “When the stars align… got my brothers back together in the studio to work on something fun and the energy was special.”