NTF nagbabala ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa kalagitnaan ng taon
Pinaghahandaan ng National Task Force o NTF ang muling paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa Hunyo hanggang Hulyo.
Sinabi ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez hindi pa nakokontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19 dahil sa bagong variant na nakapasok na sa bansa.
Ayon kay Galvez, hindi dapat na maging kampante ang publiko dahil nagkakaroon ng mutation ang COVID-19 kaya maaari itong muling kumalat at makahawa ng maraming tao.
Inihayag ni Galvez na hanggat hindi nakakamit ang herd immunity sa pamamagitan ng mass vaccination ay mananatiling banta sa buhay at kalusugan ng taongbayan ang COVID-19.
Umaasa si Galvez na pagpasok ng third at fourth quarter ng taon ay maipapatupad na ang full rollout ng COVID-19 vaccination program dahil paparating na ang malaking bulto ng mga biniling bakuna mula sa ibat-ibang pharmaceutical companies.
Target ng pamahalaan ang 50 hanggang 70 milyong populasyon ng bansa ang mabakunahan laban sa COVID-19.
Vic Somintac