Number coding sa NCR muling ipatutupad simula bukas, Dec. 1
Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, na simula na bukas, December 1 ang muling pagpapatupad ng modified number coding scheme sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni MMDA chair Benhur Abalos, na isang resolusyon ang nilagdaan ng Metro Manila mayors para sa muling pagpapatupad ng number coding kasunod ng pagdami ng bilang ng mga sasakyan sa mga lansangan.
Saklaw nito ang mga pribadong sasakyan at ipatutupad sa panahon ng rush hours, mula ala-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Hindi naman kabilang sa number coding scheme ang public utility vehicles (PUVs), gaya ng tricycles, transport network vehicle service (TNVS), mga motorsiklo, trak ng basura at fuel trucks, at mga sasakyan na may kargang essential at perishable goods.
Ang PUVs ay exempted dahil nasa ilalim ito ng limited passenger capacity sa ilalim ng Alert Level 2.
Matatandaang sinuspinde ang number coding scheme nang magsimula ang pandemya nitong nakalipas na taon.