Number coding scheme sa mga pampublikong bus ng MMDA, pinagtibay ng Korte Suprema
Kinatigan ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng MMDA na magpatupad ng mga alituntunin upang maibsan ang bigat ng trapiko.
Ito ay matapos ibasura ng Supreme Court ang petisyon na inihain noong 2010 ng ilang bus drivers laban sa implementasyon ng number coding scheme ng MMDA sa mga pampublikong bus.
Ayon sa ruling na isinulat ni Justice Marvic Leonen, valid ang mga kinukuwestyong regulasyon alinsunod na rin sa kapangyarihan ng MMDA sa ilalim ng batas.
Sinabi ng Korte Suprema na sang-ayon sa RA 7924 ay may otoridad ang MMDA na magpalabas ng mga panuntunan upang ma-regulate ang trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila para sa kaligtasan at kaginhawaan ng publiko.
Ayon pa sa SC, makatwirang tugon lang din sa seryosong problema sa trapiko sa NCR ang muling pagpapatupad ng MMDA ng number coding scheme sa mga pampublikong bus.
Binigyang-diin pa ng Korte Suprema na walang tahasang deprivation o pagkakait sa property kundi ang number coding scheme ay paghihigpit lamang sa operasyon ng mga bus sa pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Hindi rin nito nasasagkaan ang regulatory powers ng LTFRB at hindi lumalabag sa due process sa ilalim ng Saligang Batas.
Ipinunto pa ng SC na ang mga petitioners na bus drivers ay hindi ang real parties in interest kundi ang mga bus owners at operators o franchisee.
Ang desisyon ay napromulgate noong Nobyembre ng nakaraang taon pero nito lamang June 11, 2021 na-upload sa website ng SC.
Moira Encina