Obiena at 8 iba pang Filipino athletes tumanggap ng Olympic scholarships
Siyam na atletang Pinoy, kabilang ang World No. 5 pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena, ang binigyan kamakailan ng Olympic Solidarity Scholarships (OSS) ng International Olympic Committee (IOC).
Inanunsiyo ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino, na ang golfer na si Rianne Malixi, weightlifter na si Elreen Ando, fencer na si Samantha Catantan, mga boksingerong sina Aira Villegas at Rogen Ladon, BMX rider Patrick Coo, skateboarder na si Jericho Francisco at wrestler na si Allen Arcilla ang iba pang mga atleta na nakatanggap ng IOC grants.
Sa siyam, tanging ang 26-anyos na si Obiena lamang ang hindi inendorso ng kaniyang national sports association (NSA) dahil sa kasalukuyang hidwaan nila ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Lahat ng nabanggit ay tatanggap ng US$833, o humigit-kumulang P45,000 kada buwan hanggang sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Tolentino . . . “The POC wishes to congratulate these nine promising athletes for earning scholarships as they focus on their qualification for the Paris 2024 Olympics. This is the first time that our country had such number of scholars.”
Sabi pa ni Tolentino, na ang pagkakasama ni Obiena kahit walang endorsement ng PATAFA ay patunay na nirerespeto at kinikilala ng IOC ang pasya ng national Olympic committees (NOCs).
Nakapaloob sa scholarship ang tyansang makagamit ng angkop na training facilities, mabigyan ng isang coach na ang espesyalisasyon ay kung ano ang kanilang laro, mabigyan ng regular na medical at scientific assistance at control, mabigyan ng accident at illness insurance, board and lodging costs, pocket money at ang pinakamahalaga ay ang gugol para sa partisipasyon ng mga atleta sa mahahalagang mga kumpetisyon at sa Paris 2024 qualification events.
Ang OSS ay isang programa ng IOC na naglalayong tulungan ang mga piling atleta na pinili at iminungkahi ng kani-kanilang NOCs, para sa kanilang paghahanda at kuwalipikasyon sa Paris 2024.
Ayon pa kay Tolentino . . . “All these athletes need to do is to focus on their training and set their goal toward the Paris Olympics. The POC will liquidate the athletes’ expenses to the Olympic Solidarity on a quarterly schedule based on the submission of reports by the scholars and their NSAs.”