Obiena balik kompetisyon na sa susunod na linggo
Bilang paghahanda para sa 2024 Paris Olympics, ay balik kompetisyon na ang world-class Pinoy pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena, sa pamamagitan ng paglahok sa tatlong indoor tournaments sa susunod na linggo.
Unang lalahok si Obiena sa Memorial Josip Gasparac sa Osijek, Croatia sa Pebrero 20. Ang World Athletics Indoor Tour Bronze type event na ito ay kabilang sa pinakamalalaking athletics meetings sa mundo.
Susundan ito ng ISTAF Indoor sa Pebrero 23 na gaganapin sa Berlin, Germany kung saan umaasa ang two-time Asian champion na malalampasan niya ang kaniyang performance noong nakaraang taon na 5.82 meters para sa silver medal. Nakuha ng Swedish na si Armand Duplantis ang gold sa record na 6.06 meters.
Ang Berlin tournament, na isang Indoor Tour Silver type event, ay inaasahang magiging daan para kay Obiena sa kanyang kampanya sa World Indoor Championship na nakatakda sa Glasgow, Scotland sa darating na Marso 3.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban si Obiena sa world indoor event, na lalahukan ng ilan sa pinakamahuhusay na pole vaulters.
Umaasa ang ranked No. 2 Olympian, na kasalukuyang may hawak sa national at Asian record na 6.00m, na mahihigitan niya ang nauna niyang performance sa Tokyo Olympics noong 2021 na 5.70m.