Obiena, pangungunahan ang athletics team sa Hangzhou Asian Games
Pangungunahan ng World No. 3 pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena ang athletics team sa 19th Asian Games, na nakatakdang ganapin simula Sept. 23 hanggang Oct. 8 sa Hangzhou, China.
Kasama sa team ang Filipino-Americans na sina Kristina Marie Knott (women’s 200m), Robyn Lauren Brown (women’s 400m hurdles), Eric Shaun Cray (men’s 400m hurdles) at William Edward Morrison III (men’s shot put), at ang mga Pinoy na sina Sarah Dequinan (women’s heptathlon), Ronnie Malipay (triple jump), at Janry Ubas (long jump).
Sasamahan nina coach Dario De Rosas, Edward Lasquete, Ukrainian Vitaly Petrov at Samantha Cray ang mga atleta, na karamihan ay mga medalist sa Cambodia Southeast Asian Games (SEA) noong Hunyo.
Ang Italy-based na si Obiena ang unang Pilipino na nag-qualify para sa 2024 Paris Olympics, matapos makapagposte ng 5.82 meters sa Diamond League-Bauhaus Galan sa Sweden noong Hulyo.
Napanalunan din ng 27-anyos na si Obiena ang 2023 Asian Championships sa Thailand noong Hulyo, makaraang gumawa ng isang continental record na 5.91m.
Ernest John “EJ” Obiena (Facebook photo)
Ang Team Philippines sa Asiad ay binubuo ng 395 atleta na sasabak sa 37 sports na gaganapin sa 44 na lugar, pangunahin sa Hangzhou Olympic Sports Expo Center at sa Deqing, Jinhua, Ningbo, Shaoxing at Wenzhou.
Si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez ng fencing at modernong pentathlon associations ang magsisilbing chef de mission (CDM) ng delegasyon ng Pilipinas.
Makakatuwang niya sina Karen Tanchanco-Caballero ng sepak takraw, Nikki Cheng ng ice skating, Alvin Aguilar ng wrestling at Donaldo Caringal ng volleyball.
Sinabi ni Phil. Olympics Committee president Abraham Tolentino, “The task of the CDM’s office in Hangzhou is not an easy one, considering the size of our delegation and the competition venues.”
Ang Hangzhou ang ikatlong lungsod ng China na magho-host ng Palaro pagkatapos ng Beijing (1990) at Guangzhou (2010).
(Philippine News Agency)