OCA: 34 hukom pinaslang sa nakalipas na 22 taon
Umaabot sa 34 na hukom ang pinaslang sa bansa mula 1999.
Ito ang nakasaad sa isinumiteng position paper ni Court Administrator Jose Midas Marquez ukol sa panukalang batas sa Senado na lilikha sa Office of the Judiciary Marshals.
Ayon kay Marquez, suportado ng Office of the Court Administrator (OCA) ang Senate Bill No. 1947 o ang Judiciary Marshals Act.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng Judiciary Marshals na pangunahing responsable sa seguridad, kaligtasan, at proteksyon ng mga miyembro, opisyal, kawani, at pag-aari ng hudikatura kasama ang integridad ng mga hukuman at court proceedings.
Ang Judiciary Marshals ay magiging nasa ilalim ng Korte Suprema sa pamamagitan ng OCA.
Sinabi ni Marquez na sa nakalipas na 22 taon ay 34 hukom ang pinatay sa serbisyo sa bansa.
Ang pinakahuli aniya rito ay si Manila Regional Trial Court Judge Maria Teresa Abadilla na binaril sa loob ng kanyang chambers noong November 11, 2020 at idineklarang dead-on-arrival sa ospital.
Binanggit pa ni Marquez na mula sa 34 na pinaslang na judge ang mga kasong kriminal sa 23 lamang na insidente ang naisampa sa korte.
Pero, mula sa 23 na kaso ay walo pa lamang ang nadesisyunan kung saan anim dito ay acquittals at dalawa lamang ang convictions.
Ipinunto ni Marquez na ito ay kaso ng mga hukom na dumaranas ng kawalan ng hustisya.
Naniniwala ang opisyal na ang pagkakaroon ng Office of the Judiciary Marshals ay hindi lamang makatutulong sa pagpigil sa pagpatay at pag-atake sa mga miyembro ng hudikatura kundi mapabibilis din nito ang imbestigasyon sa mga kaso.
Kung maipapasa rin aniya ang panukala ay maiibsan ang PNP at NBI sa pagbibigay ng prayoridad sa seguridad at proteksyon ng mga hukom at mahistrado, at pag-iimbestiga sa mga banta at karahasan laban sa mga ito dahil ito ay trabaho na ng Judiciary Marshals.
Nilinaw ni Marquez na hindi nito malalabag ang “one police force” sa ilalim ng Saligang Batas dahil limitado lamang ang mandato ng Office of Judiciary Marshals.
Moira Encina