Office of the Corporate Government Counsel rerebyuhin ang kinukwestyong kontrata na pinasok ng Nayong Pilipino Foundation Inc.
Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang Office of the Corporate Government Counsel o OGCC na rebyuhin ang lease contract na pinasok ng Nayong Pilipino Foundation, Inc. sa Landing Resorts Philippines Development Corp.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOJ na repasuhin ang kontrata na tinawag nito na “flawed” at hindi paborable sa pamahalaan.
Ang OGCC ay nasa direktibang pangangasiwa ng DOJ.
Sinabi ng kalihim na kanya nang ipinagutos sa OGCC na busisiin ang lahat ng kasunduan at dokumento kaugnay sa nasabing kontrata.
Ayon kay Guevarra, ang OIC ng OGCC na si Atty. Elpidio Vega ang mangangasiwa sa pagrebyu sa kontrata at ang inatasan na magsumite ng report at rekomendasyon sa DOJ.
Bukod sa ahensya, inihayag ni Guevarra na magsasagawa rin ng evaluation ang kanyang legal staff sa kontrata sa pagitan ng Nayong Pilipino at Landing Resorts.
Sinibak ni Pangulong Duterte ang lahat ng opisyal ng Nayong Pilipino Foundation dahil sa kinukwestyong kontrata kasabay ng isinagawang groundbreaking ceremony ng proyekto.
Ang Nayong Pilipino Foundation ay attached GOCC o Government- Owned and -Controlled Corporation ng Department of Tourism.
Ulat ni Moira Encina