Office of the Solicitor General, hiniling sa Korte Suprema na kanselahin ang Oral Arguments sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Act


Nais ng Office of the Solicitor General na kanselahin ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon kontra sa Anti-Terrorism Act sa harap ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa.

Kinumpirma ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na naghain electronically nitong Lunes ng umaga ng Urgent Motion ang OSG sa Korte Suprema kaugnay sa Anti- Terror law.

SC PIO Chief Atty. Brian Keith Hosaka:

I would like to confirm that as per the Judicial Records Office of the Supreme Court, an Urgent Motion was filed electronically late this morning by the OSG with regard to the Anti-Terrorism Act. Thank you.”

Sa kanilang mosyon, sinabi ng OSG dapat na kanselahin ang in-Court Oral arguments pati ang sa pamamagitan ng videoconferencing dahil sa banta sa kalusugan at “logistical restrictions” bunsod ng Covid-19 Pandemic.

Iginiit ng OSG na hindi ligtas at impractical ang pagsasagawa ng oral arguments sa panahon ngayon.

Katwiran ng OSG, malalabag ang pagbabawal ng gobyerno sa mass gatherings ng higit sa sampu katao sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ kapag nagdaos ng in-court oral arguments at hindi rin masusunod ang physical distancing bunsod na rin ng dami ng mga petitioners.

Kahit din anila gawin thru videoconferencing ang pagdinig ay hindi pa rin maiiwasan ang pagtitipun- tipon ng maraming tao sa iisang lugar dahil sa panig pa lang ng OSG ay kailangan nila ng 25 tauhan para sa oral arguments kung saan ang ilan ay higit 60 years old na.

Hindi rin anila magagarantyahan na walang aberya ang videoconferencing bunsod na rin ng dami ng mga partido at kalidad ng internet service.

Binanggit din ng OSG na maging ang US Supreme Court ay nagkansela ng siyam ng oral arguments kahit pa malalaking kaso ang ilan sa mga ito.

Sa halip na oral arguments, ipinanukala ng OSG sa Korte Suprema ang mga posibleng alternatibo gaya ng submission of memorandum, clarificatory questions, at written opening statements.

Wala pang itinakdang petsa ang SC para sa oral arguments.

Pero una nang inihayag nito na plano nilang isagawa ang oral arguments sa ikatlong linggo ng Setyembre.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us: