Office of the Solicitor General, naghain ng Quo Warranto petition sa Korte Suprema para kuwestyunin ang kwalipikasyon ni Chief Justice Sereno
Pormal nang inihain ng Office of the Solicitor-General sa Korte Suprema ang petition for Quo Warranto para kuwestyunin ang kwalipikasyon ni on-leave Chief Justice Maria Lourdes Sereno at hilinging ipawalang-bisa ang pagkakatalaga dito.
Sa mahigit 30- pahinang petisyon, hiniling ng OSG sa Supreme Court na ideklarang void o walang bisa ang appointment ni Sereno bilang Punong Mahistrado at patalsikin ito sa pagiging Chief Justice.
Ayon kay Solicitor-General Jose Calida, iligal na nakaupo sa puwesto si Sereno dahil nabigo itong makatugon sa mga hinihinging kwalipikasyon o requirement para maging Punong Mahistrado.
Tinukoy ni Calida ang kabiguan ni Sereno na magsumite ng kaniyang Statement of Assets and Liabilities o SALN sa loob ng 17 taon mula nang siya ay maging propesor sa UP College of Law na paglabag sa batas at konstitusyon.
Mandatory aniya ang paghahain ng SALN sa loob ng 10 taon sa aplikasyon sa pagiging Chief Justice na nabigong gawin ni Sereno noong 2012 nang mag-apply ito sa nasabing pwesto.
Ang isinumite lang anya na SALN ni Sereno ay para sa taong 2009, 2010, at 2011 nang siya ay mag-apply sa pagka -punong mahistrado sa kabila ng 10-year SALN requirement.
Dahil dito nabigo anya si Sereno sa hinihingi sa ilalim ng Article VIII, Section 7 (3) ng 1987 Constitution na “competence, integrity, probity, and independence”.
Sinabi pa ni Calida na alinsunod din sa Anti -graft law ang paglabag sa SALN requirement ay sapat na batayan para mapatalsik sa pwesto ang isang Public officer.
Naniniwala rin si Calida na ang Quo Warranto proceedings ang proper remedy para patalsikin si Sereno sa puwesto at hindi ang Impeachment trial.
Ulat ni Moira Encina