Olongapo City students, nagsagawa ng Drug Awareness Symposium
Nagsagawa ng Symposium on Anti-Drug Campaign at Anti-Terrorism Act, ang mga mag-aaral at mga guro sa Olongapo City National High School, Dibisyon ng Olongapo City.
Ito ay sa pangunguna ng National Drug Education Program (NDEP) at ng MAPEH Club ng nasabing paaralan.
Layunin ng webinar na maituro sa mga kabataang mag-aaral at maging sa mga guro, ang masamang naidudulot ng droga sa komunidad. Ipinakita sa mga bata kung ano ang mga posibleng maging epekto nito sa kanilang kalusugan at maging sa kanilang pamilya.
Itinuro rin sa naturang webinar ang mga programa ng gobyerno at ng lokal na pamahalaan, mga kaparaanan at mga aktibidad na kanilang ginagawa upang masugpo ang iligal na droga at terorismo sa ating bansa.
Nais rin ng NDEP na mahikayat ang mga mag-aaral na makiisa sa mga aktibidad ng paaralan at maging ng gobyerno, upang masugpo ang mga nasabing problema.
Ayon sa datos, tumataas ang bilang ng mga batang nasasangkot sa paggamit ng illegal na droga at ang ilan ay mabilis na nahihikayat sumali sa mga grupo na lumalaban sa pamahalaan o mga rebelde.
Mahigit sa 100 mag-aaral at mga guro ang tumugon at nakilahok sa naturang webinar.
Kabilang din ang Boy Scout at Girl Scouts of the Philippines, Olongapo City Chapter, school organizations, at mga magulang.
Si Police Patromanl Eugene Yap ang nagsalita tungkol sa Anti Drug Campaign, at si Police Patromanl Edilberto S. Esmade, Jr. naman ang nagsalita tungkol sa Anti Terrorism Act.
Nagkaroon ng samut-saring tanong mula sa mga kabataang mag-aaral matapos ang webinar, na malugod namang sinagot at nilinaw ng mga tagapagsalita.
Ulat ni Sandy Pajarillo