Omicron, dominant COVID-19 strain na ngayon sa US ayon sa health authorities
Inihayag ng health authorities, na ang mabilis na kumakalat na variant ng Omicron na ngayon ang pangunahing strain ng coronavirus sa United States, na kumakatawan sa 73.2% ng mga bagong kaso sa nakaraang linggo.
Ang mabilis na pagtaas na naitala ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ay batay sa data para sa linggong natapos nitong Sabado. Sa nakaraan pang linggo, ang Omicron ay kumatawan lamang sa 12,6% ng US cases.
Ipinahiwatig ng CDC, na ang Omicron ay kumakatawan na sa higit 90% ng mga bagong US cases sa Pacific Northwest at sa nakararaming lugar sa US South at sa mga bahagi ng Midwest.
Una nang sinabi ni White House press secretary Jen Psaki , na walang balak si US President Joe Biden na magpatupad ng lockdowns bilang tugon sa biglang pagdami ng kaso.
Nagbabala naman ang nangungunang pandemic advisor na si Anthony Fauci, tungkol sa malungkot na taglamig dahil ang Omicron variant ay maaaring mag-udyok ng panibagong wave ng infections sa buong mundo.
Aniya . . . “With Omicron, it is going to be a tough few weeks to months as we get deeper into the winter.”
Sa kabila naman ng mga indikasyon na ang Omicron ay hindi mas malala kaysa sa nangingibabaw pa rin na variant ng Delta, iminumungkahi sa mga naunang datos na maaari itong maging mas nakakahawa at posibleng may mas mataas na resistance sa mga bakuna.
Simula nang unang mapaulat sa South Africa noong Nobyembre, ang Omicron ay nasumpungan na sa ilang dosenang mga bansa, na nagpalabo sa pag-asang tapos na ang pinakamalalang naranasan sa pandemya. (AFP)