Omicron subvariant BA.2.12.1, na-detect sa Metro Manila at Puerto Princesa
Inihayag ng Department of Health (DOH), na naka-detect sila ng 14 na kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariant sa Metro Manila at Palawan.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie, na ang unang dalawang BA.2.12.1 cases ay nagmula sa National Capital Region (NCR), habang ang 12 kaso ay na-detect sa Puerto Princesa City sa Palawan. Lahat sila ay kumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.
Binanggit ng ahensiya na lumitaw sa paunang mga pag-aaral na ang BA.2.12.1 sub-lineage ay mas malamang na magpakita ng immune evasion. Walang ebidensyang nagmumungkahi na ang BA.2.12.1 ay nagdudulot ng mas matinding sakit.
Ang mga kaso mula sa Metro Manila ay nakatanggap na ng booster shots at nakaranas ng mild symptoms. Sila ngayon ay itinuturing na asymptomatic at nakarekober na matapos makumpleto ang home isolation.
Tatlumpo’t siyam sa kanilang close contacts ay hindi kinakitaan ng COVID-19 symptoms.
Iniulat din ni Vergeire na 11 foreign tourists at isang lokal na residente ang nagpositibo para sa Omicron subvariant sa Puerto Princesa City. 28 sa kanilang close contacts ay nag-negatibong lahat.
Ang Pilipinas ay nakapag-ulat ng higit 3.68 milyong COVID-19 cases, na may 60,452 namatay simula nang mag-umpisa ang pandemya. Ang DOH ay nakapagtala lamang ng 971 bagong mga kaso mula May 6 hanggang 12.
Noong nakaraang buwan, iniulat ng kagawaran ang pagkakadiskubre sa BA.2.12, na isa pang Omicron subvariant. Ang kaso ay isang Finnish woman na bumisita sa Quezon City at Baguio City. Mula noon ay gumaling na ito at nakabalik na sa Finland.