Omicron vaccine trial, sinimulan na ng Pfizer-BioNTech
Sinimulan na ng Pfizer at BioNTech ang enrollment para sa isang clinical trial, upang subukin ang “safety at immune response” ng kanilang Omicron-specific Covid-19 vaccine sa adults na hanggang 55 ang edad.
Una nang sinabi ni Pfizer CEO Albert Bourla, na maaaring pagdating ng Marso ay mag-file na sila para sa regulatory approval.
Sinabi ng pinuno ng vaccine research ng Pfizer na si Kathrin Janseen, na bagama’t lumitaw sa kasalukuyang datos na ang boosters laban sa original Covid strain ay patuloy na nagbibigay ng proteksiyon laban sa severe outcomes ng sakit, ang hakbang ng kompanya ay bilang pag-iingat.
Aniya . . . “We recorgnize the need to be prepared in the event this protection wanes over time and potentially help address Omicron and new variants in the future.”
Dagdag naman ni Ugur Sahin, CEO ng German biotech company na BioNTech, ang proteksiyon ng orihinal na bakuna laban sa mild at moderate Covid-19, ay lumilitaw na mas mabilis lumipas o humina sa Omicron.
Ayon kay Sahin . . . “This study is part of our science-based approach to develop a variant-based vaccine that achieves a similar level of protection against Omicron as it did with earlier variants but longer duration of protection.”
Ang trial ay kapapalooban ng 1,420 katao edad 18-55.
Sinabi ng isang tagapagsalita para sa Pfizer, na hindi nila isinama ang mga higit 55 taon dahil ang goal ng pag-aaral ay eksaminin ang immune response ng participants, sa halip na tayahin ang bisa ng bakuna.
Ang trial ay gagawin sa magkabilang panig ng Amerika at South Africa, at ang unang participant ay naturukan na sa North Carolina.
Ang mga volunteer ay hinati sa 3 grupo.
Ang unang grupo ay mga taong una nang nabigyan ng two doses ng kasalukuyang Pfizer-BioNTech vaccine, 90-180 araw bago ang enrollment, at bibigyan sila ng isa o dalawang doses ng Omicron vaccine.
Ang ikalawa ay mga taong nabigyan ng three doses ng kasalukuyang bakuna, 90-180 araw bago ang enrollment at bibigyan naman sila ng isa pang dose ng original vaccine o isang Omicron-specific vaccine.
Ang ikatlo at huling grupo ay mga taong hindi pa nabakunahan ng isang Covid vaccine, na bibigyan ng 3 dose ng Omicron-specific vaccine.