Operasyon ng Embahada ng Pilipinas sa Israel, nagpapatuloy
Tiniyak ng Philippine Embassy sa Tel Aviv na patuloy ang operasyon nito sa kabila ng kaguluhan sa southern Israel.
Sa abiso ng embahada, bukas ito mula araw ng Linggo hanggang Huwebes ng 8:30 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon para sa consular services.
Matatandaan na nagsara ang embahada ng isang araw noong Oktubre 8 matapos na atakihin ng Hamas militants ang ilang lugar sa southern Israel noong Oktubre 7.
Inabisuhan naman ng embahada ang mga Pinoy doon na patuloy na mag-ingat.
Samantala, nagpapatuloy din ang pagiikot ng mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration sa mga Pinoy na naapektuhan ng bakbakan sa Israel.
Pinagkalooban ang mga Pinoy ng ilang pangangailangan gaya ng pagkain at shelter.
Sa pinakahuling tala, nasa tatlong Pinoy pa sa Israel ang hindi pa rin makita o ma-contact habang ang lahat ng 131 Pinoy sa Gaza ay accounted na at nakaalis na sa Northern Gaza o Gaza City at naghihintay na ma-repatriate.
Una nang itinaas sa Alert Level 4 o mandatory repatriation ng Department of Foreign Affairs ang Gaza dahil sa inaasahang pag-lusob doon ng Israeli forces.
Moira Encina