Opisyal na desisyon ng Comelec tungkol sa exemption ng fuel subsidies mula sa election ban, hindi pa natatanggap ng LTFRB
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na hinihintay pa nila ang kopya ng desisyon ng Commission on Election (Comelec), na nagbibigay ng exemption sa fuel subsidy distribution program ng ahensiya mula sa elections ban.
Ito ay matapos aprubahan ng Comelec ang kahilingan ng LTFRB na ma-exempt ang kanilang programa mula sa public works ban na nagkabisa noong March 25 at tatagal hanggang sa Mayo a-otso.
Sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, na handa naman silang ipatupad ang programa. Hinihintay lamang aniya nila ang kopya ng desisyon ng Comelec dahil hanggang ngayon ay wala pa sila ng nilagdaang kopya mula sa Comelec…kailangan aniya nilang ipakita ang desisyon ng Comelec sa Land Bank para mailabas na ang pondo.
Ipinaliwanag niya na ang Land Bank of the Philippines, na ka-partner nila para sa subsidy distribution, ay hindi maaaring magpalabas ng pondo nang wala ang hard copy ng opisyal na desisyon ng Comelec, dahil masisita sila ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Cassion . . . “There really needs to be a paper (document) which officially approves of the distribution.”
Nagpasalamat din ang opisyal dahil pinagbigyan ng Comelec ang kanilang petisyon, at sinabing ang hakbang ay makatutulong sa mga tsuper at operators ng public utility vehicles. Aniya, maaaring makakuha sila ng kopya ngayong araw o sa Lunes.
Hanggang sa katapusan ng Marso, higit 110,200 benepisyaryo na ang nakatanggap ng kanilang subsidiya.
Una nang sinuspinde ng LTFRB ang kanilang fuel subsidy distribution program habang hinihintay ang desisyon ng Comelec sa kanilang kahilingan. Ilang araw ang nakalipas ay pinayagan na ng poll body na ma-exempt ang programa sa elections ban.
Ang public works ban, na nagkabisa noong March 25 hanggang May 8, ag nagbabawal sa mga ahensiya ng gobyerno na magkaroon ng disbursement, spending at construction activities.
Kakailanganin ng isang certificate of exemption para makapagpatupad ng social welfare projects and services sa panahon ng ban, batay sa Comelec Resolution No. 10747.
Ayon sa isang report, ang Office of the Vice President at Department of Social Welfare and Development, ay exempted din mula sa public spending ban bago ang halalan.