Opisyal ng NBI na nag-imbita umano sa sexy dancers, tukoy na ng DOJ
Alam na ng Department of Justice (DOJ) kung sino ang nag-imbita sa sexy dancers sa Command Conference ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na isang opisyal ng NBI ang kumuha sa entertainment service ng nasabing performers na nag-viral sa social media kamakailan.
Pero tumanggi muna ang Kalihim kung gaano kataas ang puwesto ng nasabing NBI official.
Aniya, sinubukan ng nasabing indibiduwal na kausapin siya para magpaliwanag pero nais niya na ito ay nakasulat.
Ayon sa Kalihim, tatlong performers ang kinuha para sa nasabing event.
Pero ayon kay Remulla, walang pera ng gobyerno na ginamit para ibayad sa dancers.
Sa halip, ang ipinambayad sa mga ito ay kinuha umano mula sa boluntaryong kontribusyon ng aniya’y “old men” na akala’y “adolescents” ang mga ito.
Aminado si Remulla na nakakahiya ang nasabing insidente at hindi nila ito gusto.
Marahil aniya ay dapat maging aral ito hindi lang sa NBI kundi sa kultura ng Pilipino at itigil na rin ang pagpapasayaw sa mga bata sa mga noontime shows na nakasuot ng hindi dapat na isuot.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa aniya ang internal investigation ng NBI sa insidente.
Una nang nag-sorry ang NBI sa sexy dance performance.
Moira Encina