Oplan Bandillo ng PNP, gagamitin para hikayatin ang mga mamamayan na magpabakuna kontra Covid-19
Kailangan na ang agresibong information drive para maalis ang maling impormasyon ng ilan nating mga kababayan sa Covid-19 vaccines.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sa harap ng mga kaso ng Delta variant na naitala sa bansa mula sa mga Returning Overseas Filipino.
Naniniwala si Eleazar na kung maayos na mapapaliwanagan ang publiko sa kahalagahan ng bakuna ay maaaring mabago ang kanilang pag-iisip at magpasya nang magpabakuna.
Sinabi rin ng PNP Chief na nais niyang gayahin ang matagumpay na information drive ng Department of Health na nagtulak din sa maraming bilang ng mga pulis na magpasya nang magpabakuna.
Mula aniya sa 51 percent nitong Pebrero ay umakyat na sa 93 percent sa kanilang hanay ang nagpahayag ng interes na magpabakuna.
Gagamitin aniya nila at palalakasin pa ang Oplan Bandillo para mamahagi ng information drive sa mga komunidad.
Ang Oplan Bandillo ay inilunsad kamakailan upang hikayatin ang publiko na sumunod sa minimum safety standard ngayong Pandemya.
Gumagamit ang mga pulis ng speaker system o megaphone sa pagsasagawa nila ng regular beat patrol bilang komunikasyon sa ating mga kababayan.
Matatandaang binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ayaw magpabakuna na ipaaaresto sa harap ng mga kaso ng Delta variant na sinasabing napakabilis kumalat.