Oposisyon sa appointment ni DENR Sec. Gina Lopez umaabot na sa 20
Umaabot na sa mahigit dalawampu ang inihaing reklamo sa Commission on Appointment na layong harangin ang kumpirmasyon ni Environment Secretary Gina Lopez.
Sa notice na ipinadala ng tanggapan ni Senador Manny Pacquaio, chairman ng Committee on Environment sa CA, kasama sa nagsumite ng oposisyon sa pagtatalaga kay Lopez ang Sangguniang Panlalawigan ng Surigao del Norte.
Labindalawa naman ang naghain ng oposisyon dahil sa ginawa nitong pagpapasara sa operasyon ng mga minahan lalo na sa Dinagat Island, Surigao del Norte ,Benguet, Bulacan, Zambales at Eastern Samar.
Kinumpirma rin ng CA na tuloy na ang pagsalang bukas ni Lopez.
Sa kabila ito ng kaniyang apela na maipagpaliban sa Mayo ang kaniyang confirmation hearing dahil aalis ito ng bansa.
Nauna nang inamin ni Pacquaio na sumasakit na ang kaniyang ulo dahil sa sangkatutak na reklamo laban kay Lopez.
Samantala, nagpatawag na ng caucus ang CA para aprubahan naman ang rules sa mga sumasalang na cabinet member.
Kasama sa ipinapanukala ang tuluyan nang pagbasura sa kumpirmasyon ng isang cabinet member kapag tatlong beses na itong na bypass ngmakapangyarihang komite.
Ulat ni: Mean Corvera