Oposisyon tiniyak na walang mangyayaring Oplan Tokhang sa kampanya ni Robredo laban sa droga
Tiniyak ng oposisyon na walang mangyayaring Oplan Tokhang o malawakang pagpatay sa ilalim ng Anti Illegal Drug War ni Vice President Leni Robredo.
Ito ang tiniyak ni Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos tanggapin ni Robredo ang alok ng Pangulo na pamunuan ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Drilon, maglalabas ng resolusyon si Robredo kung saan lilinawin nito na wala syang binibigyan ng otorisasyon para pumatay gumagamit man o nagbebenta ng illegal drugs.
Ani Drilon, itatama ni Robredo ang mga maling patakaran ng Duterte administration at umaasang masusugpo ang illegal drugs.
Senador Drilon:
“In this drug war, the deaths caused by the Tokhang campaign is something that we did not agree with and we will continue to do something and the Vice President has taken the task of trying to correct this”.
Pero ang ilang Senador, nangangamba na mas maraming mga inosenteng biktima ang magiging biktima at mamatay sa ilalim ng Drug war ni Robredo.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, asahan na umano ang muling pamamayagpag ng mga druglords na magsasamantala dahil sa mala-baby na treatment ni Robredo.
Senador Bong Go:
“Kung takot ka patayin eh di dadami yan, ilang Presidente na ang dumaan, nabawasan ba ang drug lord, nabawasan ba ang biktima ng droga, lalong dumami, ngayon lang po ito nabawasan sa panahon ni Pres Duterte figures will show that 82% of the Filipinos are satisfied”.
Itinanggi ni Go na patibong ang paglalagay kay Robredo sa ahensya.
Katunayan handa aniya ang administrasyon na suportahan ang mga ipatutupad nitong mga bagong patakaran laban sa illegal drugs.
Iginiit naman ni Senador Ronald Bato Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na hindi maiiwasan ang pagpatay sa war on drugs.
Pero hindi aniya ang Duterte administrasyon ang may kagagawan ng mga kaso ng pagpatay kundi mga miyembro rin ng mga sindikato.
Binalaan nya ang Bise-Presidente na hindi pwede sa war on drugs ang malamya at dapat kamay na bakal ang pairalin ni Robredo.
Senador Dela Rosa:
“War is not a Bed of Roses, hindi naman ito pwedeng pacute cute lang, di naman pwedeng pavoca-voca lang, aksyon ito”.Bakit ba may war ba na walang namamatay? Hindi ka magwage ng war walang mamatay, lalaki at lalaki ang negosyo ng droga, dadami ang apektado sa drug problem”.
Handa naman sina Senate President Vicente Sotto at Senador Ping Lacson na mag-share ng kanilang ideya at experience kay Robredo kung interesado ang Bise-Presidente.
Ulat ni Meanne Corvera