‘Oppenheimer’ nangunguna sa mga nominasyon para sa BAFTAs
Nangunguna ang “Oppenheimer” sa shortlist ng mga pelikulang maglalaban-laban para sa nalalapit na BAFTA awards ng Britain, kung saan mayroon itong 13 nominasyon, kabilang ang kauna-unahan para sa lead actor ng pelikula na si Cillian Murphy.
Ang epic movie ni Christopher Nolan tungkol sa paglikha ng atomic bomb, na kumita na ng mahigit sa $1 billion, ay nagtamo na rin ng mga karangalan mula sa Golden Globes at Critics Choice Awards ngayong Enero.
Ito ngayon ang malinaw na nangunguna para sa Oscars sa darating na Marso, may tatlong linggo pagkatapos ng highlight ng taunang British film calendar, ang BAFTAs, sa Pebrero 18.
Nakuha ng blockbuster movie ang BAFTA nominations para sa best film, para kay Nolan (director at adapted screenplay), maging para kay Murphy (leading actor), Emily Blunt (supporting actress) at Robert Downey, Jr., (supporting actor).
Ang “Oppenheimer” ay sinunsundan naman ng “Poor Things,” isang dark comedy, na nakakuha ng 11 nominasyon, kabilang ang best film category at para sa pagganap ni Emma Stone sa papel ng isang Victorian reanimated corpse na may utak ng isang sanggol.
Ang American actress ay humakot na ng Golden Globe at Critics Choice best actress awards para sa kaniyang “no-holds-barred performance.”
Makakalaban niya si Margot Robbie (“Barbie”), Carey Mulligan (“Maestro”), Sandra Huller (“Anatomy of a Fall”), Fantasia Barrino (“The Colour Purple”) at Vivian Oparah (“Rye Lane”).
Ang iba pang contenders para sa best film, bukod sa “Oppenheimer” at “Poor Things,” ay ang French courtroom drama na “Anatomy of a Fall,” ang 1970s-set prep school comedy na “The Holdovers” at ang “Killers of the Flower Moon” ni Martin Scorsese.
Si Scorsese at ang leading man ng kaniyang historical epic movie na si Leonardo DiCaprio, ay kapwa hindi nakakuha ng nominasyon mula sa BAFTA ngunit ang pelikula ay nakakuha ng siyam na nominasyon sa kabuuan.
Ang best director ay paglalabanan naman nina Nolan, Andrew Haigh (“All Of Us Strangers”), Justine Triet (“Anatomy of a Fall”), Alexander Payne (“The Holdovers”), Bradley Cooper (“Maestro”) at Jonathan Glazer (“The Zone Of Interest”).
Wala isa man sa mga magkakalaban ang nanalo na ng BAFTA noon para sa best director category.
Nakakuha rin si Cooper ng individual nomination para sa kahanga-hanga niyang bio-pic para sa original screenplay (kung saan kahati niya ang screenwriter na si Josh Singer) at best actor.
Makakalaban ni Cooper si Murphy, ang kapwa niya Irishman na si Barry Keoghan (“Saltburn”), Colman Domingo (“Rustin”), Paul Giamatti para sa (“The Holdovers”) at Teo Yoo (“Past Lives”) para sa naturang acting award.
Samantala, bigo ang other half ng “Barbenheimer” box office phenomenon noong nakaraang summer, dahil lima lamang ang nakuhang nominasyon ng “Barbie” sa BAFTA shortlist.
Ang pelikula ni Greta Gerwig, ay nabigong makakuha ng top prizes sa awards season ngayong taon.
Sinabi ni BAFTA chair Sara Putt na ang 38 mga pelikulang nakakuha ng nominasyon, ay sumasalamin sa isang “outstanding year for filmmaking.”
Aniya, “The selection is very exciting, and I think the key word is variety. A really strong selection of British films competing this year,” kung saan binanggit niya na apat sa top ten na napasama sa shortlist ay domestic movies.
Binigyang pansin din niya ang limang “mahuhusay” na mga aktres na nominado para sa leading o supporting roles. Ito ay sina Blunt, Mulligan, Oparah, Claire Foy, at Rosamund Pike na pawang British.
Sabi pa ng BAFTA chair, “It’s a good year!”