Oral arguments sa Anti- Terror law petitions, itutuloy sa Abril 27 sa pamamagitan ng videoconferencing
Itinakda ng Korte Suprema sa Abril 27 sa ganap na alas-2:30 ng hapon ang pagpapatuloy ng oral arguments sa Anti- Terror law petitions.
Sa advisory na inisyu ng Supreme Court En Banc, sinabi na bunsod ng COVID-19 situation sa bansa ay isasagawa sa pamamagitan ng videoconferencing ang oral arguments sa nasabing petsa at maging sa mga susunod pang proceedings.
Obligadong dumalo sa videoconferenced oral arguments ang mga mahistrado, court personnel, counsels, at amici curiae o friends of the court gamit ang Zoom platform.
Kinakailangan na ang bandwidth o speed ng internet connection ng mga dadalo ay hindi bababa sa 50 mbps para maiwasan ang technical difficulties.
Limitado ang access sa Zoom sa tatlong abogado kada petisyon at pitong abogado para sa Office of the Solicitor General.
Maaari namang i-access ng mga partido at publiko ang live audiostreaming ng oral arguments sa Youtube channel ng SC Public Information Office.
Ang mga iba pang panuntunan at technical details para sa videoconferenced oral arguments ay inilatag ng Korte Suprema sa advisory.
Ilang beses din naantala ang ikalimang araw ng oral arguments dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ang panig na ng Office of the Solicitor General ang magpiprisinta ng kanilang argumento at sasalang sa interpelasyon ng mga mahistrado.
Moira Encina