Oral arguments sa Anti-Terror law petitions, tinapos na ng SC
Makaraan ang sampung pagdinig ay tinapos na ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon na kumukuwestyon sa Anti- Terrorism Act.
Sa huling araw ng oral arguments ay humarap ang amici curiae o friends of the court na sina dating Chief Justice Reynato Puno at dating Associate Justice at Solicitor General Francis Jardeleza kung saan inihayag ng dalawa ang kanilang posisyon sa Anti- Terror law petitions.
Ayon kay dating Chief Justice Puno, ang terorismo ang “latest variant” sa banta ng kapayapaan at seguridad sa mundo.
Aminado si Puno na hindi madali o “walk in the park” na balansehin ang karapatan ng indibidwal at pambansang seguridad sa harap ng banta ng terorismo.
Aniya ang ideal ay parehong maging ligtas at malaya ang mga tao.
Para kay Puno, “more radical” ang approach ng gobyerno sa paglaban sa terorismo dahil pinapayagan ng batas ang mga otoridad na gumawa ng preventive measures para mapigilan ang terorismo gaya ng surveillance sa mga suspek.
Nagsumite ng hiwalay na position paper si Puno ukol sa isyu ng vagueness at pagiging malawak ng depenisyon ng terorismo, at iba pa niyang concern sa batas.
Para naman kay dating Associate Justice at SolGen Jardeleza, dapat ibasura ang lahat ng petisyon kontra Anti- Terror law dahil sa hindi trier of facts ang Korte Suprema.
Aniya wala din ni isa sa mga nasabing petitioners ang may direkta o personal na kinasuhan ng Anti- Terror Act.
Binanggit ni Jardeleza ang mga kasong nakabinbin na sa ibat-ibang trial courts na may kaugnayan sa ATA gaya ng dalawang Aetas na sina Japer Gurung at Junior Ramos na sinasabing mga unang kinasuhan sa ilalim ng ATA.
Naniniwala si Jardeleza na dapat sundin ang hierarchy of courts at hayaan muna ng SC ang mga lower courts na resolbahin ang mga kasong konektado sa ATA.
Iginiit ni Jardeleza na paano mariresolba ang isyu kung wala namang facts sa kaso na susuporta sa pagbasura sa batas.
May presumption din aniya na alinsunod sa Saligang Batas ang ATA na ipinasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa isyu naman aniya ng vagueness ng ilang probisyon ng batas ay dapat ang hiniling ng petitioners sa hukuman ay ang “pre-enforcement review” o proceeding.
Moira Encina