Oral arguments sa mga petisyon kontra sa Anti- Terror law, itutuloy ngayong Martes
Muling sasalang sa interpelasyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General sa pagpapatuloy ng oral arguments sa mga petisyon kontra Anti-Terror Act (ATA) ngayong Mayo 4.
Isasagawa muli sa pamamagitan ng videoconferencing gamit ang Zoom platform ang oral arguments bilang pag-iingat sa COVID-19.
Magsisimula ang oral arguments sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
Sa opening statement ng OSG, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na may safeguards at checks and balances ang Anti- Terror law para hindi maabuso ng mga otoridad at maprotektahan ang mga suspek.
Hindi rin aniya kagamitan ang ATA para pigilan ang demokrasya sa bansa.
Sa halip aniya layon ng batas na protektahan ang buhay, kalayaan, at ari-arian ng mga mamamayan mula sa mga terorista.
Iginiit din ng opisyal na mahalaga ang ipinasang ATA dahil ito ay pagtugon ng gobyerno sa international obligations nito.
Naniniwala pa si Calida na “unfairly stigmatized” ang ATA at pinapalabas na ito ay batas para patahimikin ang oposisyon na isa anyang malaking kasinungalingan.
Moira Encina