Original ‘Harry Potter’ cover art magiging tampok sa auction sa New York
Isusubasta sa Miyerkoles sa New York ang orihinal na watercolor illustration para sa unag edisyon ng “Harry Potter and the Philosopher’s Stone,” ang libro na nagpakilala sa mundo sa batang wizard na nakasalamin.
Ang artwork na gawa ni Thomas Taylor, na 23-anyos noong 1997 nang ipinta niya ang larawan ng isang batang lalaki na may peklat ng kidlat at may bilog na salamin sa mata, ay inaasahang mabebenta ng mula $400,000 hanggang $600,000 sa Sotheby’s.
Si Taylor ay nagtatrabaho sa isang children’s bookstore sa Cambridge, England, nang mapili siya ng publisher na si Barry Cunningham ng Bloomsbury para ipinta ang larawan para sa libro ni J.K. Rowling, na inilabas sa London noong June 26, 1997.
Ayon sa books specialist sa Sotheby’s na si Kalika Sands, isa rin si Taylor sa mga unang taong nakabasa sa libro, dahil nakakuha siya ng unang kopya ng manuscript para sa gagawin niyang artwork.
Sinabi ni Sands, “So he knew about the world before anybody else and it was really up to him to think of how he visualized Harry Potter.”
Si Rowling at Taylor ay hindi pa kilala nang lumabas ang libro, at ilan lamang ang nag-akalang magiging isa iyong global phenomenon.
Ayon sa Sotheby’s, 500 kopya lamang ng unang edisyon ang inilimbag, at 300 sa mga ito ay ipinadala sa mga library.
Ngunit kalaunan, ang libro ay naging isang runaway bestseller.
Dalawampu’t pitong taon pagkatapos nito, ang tinatawag na “Potterverse” ay binubuo na ng pitong orihinal na libro ni Rowling, isang blockbuster film franchise, isang critically acclaimed stage play at video games.
Mahigit sa 500 milyong kopya ng libro ang naipagbili sa 80 mga lengguwahe.
Sinabi ni Taylor na ngayon ay isa nang children’s book author at illustrator, “It’s exciting to see the painting that marks the very start of my career, decades later and as bright as ever. As I write and illustrate my own stories today, I am proud to look back on such magical beginnings.”
Sa unang pagkakataon na inialok ang illustration sa auction sa Sotheby’s sa London noong 2001, nakakuha lang ito ng 85,750 pounds (mga $108,500 sa kasalukuyang exchange rates) — ngunit apat lang sa mga libro ang nai-publish noong panahong iyon.
Ang illustration ay bahagi ng isang koleksyon ng manuscripts at bihirang mga edisyon ng libro na ibinebenta na nagtatampok din ng mga gawa ng ilan sa mga mahuhusay na heavyweights ng panitikan, kabilang sina Edgar Allan Poe, F. Scott Fitzgerald, Mark Twain at Charles Dickens.
Ang koleksiyon ay pagmamay-ari ng surgeon na si Rodney Swantko, na namatay noong 2002 sa edad na 82.