Oscar award for Best adapted screenplay, nais ng biographer ng Oppenheimer na makuha ng pelikula
Kababalik lamang ni Kai Bird mula sa Jaipur literarure festival sa India, kung saan nilagdaan niya ang hindi mabilang na mga kopya ng kaniyang dalawang dekada nang libro para sa daan-daang kabataang Indian, na lahat ay nanood ng pelikulang “Oppenheimer.”
Ang “American Prometheus,” ang Pulitzer-winning biography ni Bird tungkol sa ama ng atomic bomb, ang basehan para sa $1 billion-grossing global smash hit movie na siya ring inaasahang magdo-domina sa Oscars.
Ayon kay Bird, “It’s really an astonishing phenomenon. I’m probably the luckiest biographer on the planet.”
Ang drama ni Christopher Nolan ay pang-apat na pagtatangka nang gamitin ang 720-page biography na isinulat ni Bird at Martin Sherwin tungkol kay J. Robert Oppenheimer, na itinuturing na isang American hero, bago siya inalipusta ilang taon lamang pagkatapos.
Paliwanag ni Bird, nabigo ang mga naunang pagsisikap na kumbinsihin ang Hollywood studio bosses, dahil para sa kanila ang material ay masyadong mahirap, kontrobersiyal o masalimuot.
Aniya, “I’m actually glad in retrospect, because Nolan came along. And he did something, I think, that is quite special.”
Ang pelikula ni Nolan ay malapit sa 2005 na libro, na sa malimit na mga pagkakataon ay ginamit ang buong linya ng mga dayalogo. Si Bird ay sangkot sa adaptation process.
Una niyang nakilala si Nolan habang nagta-tsaa sa New York noong Setyembre 2021. Ang direktor ay nabigyan ng libro anim na buwan na ang nakalipas bago ang kanilang pagkikita, nakapagsulat na ng isang screenplay, at lilipad na sana patungo sa Ireland para i-alok ang proyekto sa kanyang magiging leading man na si Cillian Murphy.
Kalaunan ay bumisita si Bird sa set ng pelikula sa New Mexico, kung saan siya ipinakilala kay Murphy habang naka-break ang shooting.
Kuwento ni Bird, “As he approached, I couldn’t resist, I shouted out ‘Oh, Dr. Oppenheimer, I’ve been waiting for decades to meet you!'”
Kahit pa tatlong oras ang pelikula, imposibleng makuha ni Nolan ang lahat ng impormasyon sa isang librong inabot ng 25 taon na sinaliksik at isinulat.
Sa biography, ay muling binisita ni Bird at Sherwin ang mayamang kabataan ni Oppenheimer, na ginugol sa isang marangyang apartment sa New York na napalalamutian ng mga likhang sining ni Picasso, Cezanne at Van Gogh, sa ilalim ng pangangalaga ng mga yaya at chauffeurs.
Sa mga unang bahagi ng kaniyang 20s, si Oppenheimer ay nagkaroon ng maraming breakdowns na nagresulta upang mag-isip ito na wakasan ang sariling buhay.
Malaking bahagi ng huling labingdalawang taon ng kaniyang buhay ay ginugol niya sa paninirahan sa isang beach cottage sa Caribbean.
Ngunit para kay Bird, matalinong napagtuunan ng pelikula ang ilang “napapanahong” tema na pinukaw ng ‘tragic arc’ ni Oppenheimer.
Ayon kay Bird, “Even the younger generation, they see the film, and they realize that they and their parents have become quite too complacent about living with the bomb.”
Nitong nakalipas na linggo, ay muling pinalutang ni Russian President Vladimir Putin ang “tunay na banta” ng nuclear war sa kaniyang pagsalakay sa Ukraine.
Naniniwala rin si Bird na ang lubhang pagkakahati sa estado ng pulitika sa US ngayon, ay maaaring direktang matutunton sa 1950s McCarthyite witch hunts na nagpabagsak sa mga pinaghihinalaang Communist sympathizers kabilang si Oppenheimer.
Tinukoy ni Bird, na ang mentor ni Donald Trump, ang abogadong si Roy Cohn, ay chief counsel ni Senator Joseph McCarthy.
Kaya mayroon aniyang direktang koneksiyon sa pagitan ng dalawa.
Sa huli, sa iba pang panahon na dominado ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya, artificial intelligence, sa halip na atomic physics, mayroon ngayong kakulangan ng mga sikat na siyentipiko na handang magsalita tungkol sa pulitika.
Sinabi ni Bird, “Part of the reason is exactly what happened to Oppenheimer in 1954, when he was humiliated and destroyed as a public intellectual precisely because he was using his ‘scientific expertise to speak out’ on nuclear proliferation.That sends a message to scientists everywhere. ‘Beware of getting out of your narrow band of expertise.'”
Sa Linggo ay dadalo si Bird at ang kaniyang misis sa Oscars na gaganapin sa Hollywood.
Susuportahan nila ang 13 nominasyon ng “Oppenheimer,” partikular ang para sa best adapted screenplay.
Sakaling magwagi ang “Oppenheimer” ng best picture, na inaasahan na ng nakararami, ang talumpati ni Nolan ay maaaring kapalooban ng paulit-ulit niyang paniniwala na si Oppenheimer ang pinakamahalagang taong nabuhay.
Tumatawang sinabi ni Bird, “When I first heard Nolan say that, I thought, ‘Oh, well, this is a little bit of hype for the film,’ but ‘Oppenheimer gave us the atomic age, he symbolizes that era that we are still living in,’ we’re always going to be living with the bomb. So in that sense, he actually is the most important man who ever lived.”