OSG hiniling sa SC na iutos ang muling implementasyon ng NCAP
Sinimulan na ng Korte Suprema ang pagdinig sa mga petisyon ng ilang transports groups at isang abogado laban sa pagpapatupad ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) sa mga lungsod ng Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa, Quezon, at Maynila.
Present sa oral arguments ang 14 na mahistrado ng Supreme Court at ang panig ng petitioners.
Dumalo rin si Solicitor General Menardo Guevarra bilang abogado ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at limang LGU respondents.
Iginiit ng mga kampo ng petitioners na iligal at nilalabag ng NCAP ang Saligang Batas at ilang statutes.
Kinuwestiyon din ng petitioners ang pinasok na joint venture agreement ng LGU respondents sa private entities para sa implementasyon ng polisiya.
Tinukoy din ng petitioners ang sobra-sobra at hindi makatwirang singil at multa ng LGUs sa violators.
Bukod sa grave abuse of discretion at paglabag sa due process, nilalabag din umano ng NCAP ang right to privacy ng mga indibiduwal.
Ito ay dahil sa pagproseso ng mga pribadong entity ng mga sensitibo at personal na impormasyon ng hinuling violators nang walang consent ng mga ito.
Idinipensa naman ni SolGen Guevarra ang NCAP at ang mga ordinansa ng LGU para sa implementasyon nito.
Aniya nasa police power ng mga LGU at nasa kapangyarihan ng MMDA at LTO ang magpatupad ng traffic policies para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko.
Sinabi pa ni Guevarra na walang merito at walang legal standing ang petitioners.
Ang isyu din aniya ng paglabag sa data privacy ay dapat na idinulog sa National Privacy Commission.
Kaugnay nito, hiniling ni Guevarra sa SC na alisin na ang TRO laban sa implementasyon ng NCAP at pagtibayin ang legalidad nito upang ito ay ganap na muling maipatupad.
Moira Encina