OSG muling umapela sa Korte Suprema na isapubliko ang SALN ni Justice Marvic Leonen
Naghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang Office of the Solicitor General matapos na ibasura nito ang kahilingan nila na isapubliko ang SALN ni Associate Justice Marvic Leonen mula 1990 hanggang 2011.
Sa mosyon, inamin ng OSG na gagamitin nito ang SALN para sa paghahanda sa posibleng paghahain ng Quo Warranto case laban kay Leonen.
Ayon sa OSG, makatutulong ang SALN para magawa ang kanilang mandato na mag-initiate ng quo warranto proceedings laban sa sinumang opisyal na maaaring iligal na umuupo sa pwesto sa pamahalaan.
Katwiran ng OSG, ang nasabing layunin ay hindi taliwas sa morals at public policy, at hindi para sa anumang commercial purpose o masamang motibo.
Ipinunto pa ng OSG na may karapatan ang publiko na malaman ang nilalaman ng SALN ni Leonen na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Ayon pa sa OSG, ang pagtanggi ng SC ay kontra sa intensyon ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na magkaroon ng full access ang publiko sa SALN.
Dahil dito, hiniling OSG sa Supreme Court na isantabi ang ruling nito noong Setyembre na nagbabasura sa kanilang letter-request at maglabas ng bagong resolusyon na nagaapruba sa kanilang hiling.
Hinihingi ng OSG ang SALN ni Leonen matapos na hilingin ni Atty Lorenzo Gadon na sampahan nito ng Quo Warranto case si Leonen dahil sa sinasabing hindi nito paghahain ng SALN noong 2003, 2008 at 2009 nang professor pa ito sa UP College of Law.
Ayon kay Gadon, ipatupad ng OSG kay Leonen ang parehong pamantayan na ipinatupad nito sa napatalsik na Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno na sinampahan ng OSG ng Quo Warranto case dahil sa non-filing ng SALN nang ito pa ay law professor sa UP Law.
Moira Encina