OSG naghain na ng komento sa apela ni dating Chief Justice Sereno laban sa Quo Warranto ruling sa kanya
Nagsumite na ang Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ng komento sa Motion for reconsideration ng napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa mahigit pitumpung pahinang komento, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na hindi nagkamali ang Supreme Court sa desisyon nito na patalsikin si Sereno sa pwesto.
Ayon kay Calida, tama lang na mapalayas sa posisyon si Sereno dahil sa pagiging hindi kwalipikado matapos mabigong maghain ng SALN na “Constitutional and Statutory Obligation” ng mga taong nasa pamahalaan.
Binigyang -diin pa ni Calida na ipinatupad lang ng Korte Suprema ang batas nang walang takot o pabor.
Sinabi pa ni Calida na walang bagong argumento si Sereno sa inihain nitong apela na humihirit na baligtarin ang ruling ng Supreme Court noong May 11 na pumapabor sa Quo warranto petition.
Wala rin anyang ebidensya si Sereno na bias ang anim na mahistrado na pinagiinhibit nito sa Quo warranto case.
Katwiran pa ng Solgen hindi kasama sa batayan para sa mandatory inhibition ang pagtestigo ng mahistrado sa isang legislative hearing.
Inaasahang sa June 19 ay pagbobotohan ng Korte Suprema ang mosyon ni Sereno.
Alinsunod sa Section 7, Rule 56 ng Rules of Court, mangangailangan si Sereno ng dalawang boto para mabaligtad ang desisyon ng Korte Suprema na 8-6 ang botohan.
Kapag naging tie-vote ang botohan sa mga iniapelang kaso, mananaig ang naunang desisyon ng SC na nagpatalsik kay Sereno sa pwesto.
Ulat ni Moira Encina