OSG nilinaw na hindi pasok sa bribery ang pananagutan sa Bilibid drug trade
Taliwas sa argumento ng kampo ni Senadora Leila de Lima iginiit ni Solicitor General Jose Calida na hindi papasok sa elemento ng bribery ang kaso ng DOJ laban sa Senadora kaunay ng Bilibid Drug Trade.
Ito ang ipinunto ni Calida sa oral arguments sa Korte Suprema para ikatwiran ang kanilang paniniwala na hindi maaaring saklawin ng Sandiganbayan ang hurisdiksyon sa paglabag ni de Lima.
Ayon kay Associate Justice Mariano Del Castillo, para masabing bribery ang paglabag, dapat ay may suhol o regalong tinanggap o iniaalok para sa opisyal ng gobyerno.
Sinabi naman ni Calida na sa kaso ni de Lima , ang Senadora ay hindi naman inalok kundi nanghingi ng pera mula sa mga high profile inmate.
Isa pa aniyang mahalagang elemento na nawawala para maituring na bribery ang kaso ay ang paglabag ay wala namang kinalaman sa posisyon ni de Lima bilang kalihim noon ng DOJ.
Ang paglabag aniya na nagawa ni de Lima ay mas tumatalima sa conspiracy to commit illegal drug trade.
Ito ay dahil sina de Lima, at mga kapwa akusado nito na si Ronnie Dayan at Dating BUCOR OIC Rafael Ragos ay nagkasundo na mangalakal ng droga sa pamamagitan ng electronic devices gaya ng telepono.
Malinaw anya ito na paglabag sa ilalim ng RA 9165 kaya ang may hurisdiksyon sa kaso ay ang RTC at hindi ang Sandiganbayan.
Ulat ni: Moira Encina