Ottawa mayor nagdeklara ng state of emergency dahil ‘out of control’ na ang protesta ng mga trucker
Inanunsiyo ng alkalde ng Ottawa sa Canada na “out of control” na ang protesta ng mga truckers, kaya nagdeklara na siya ng state of emergency, habang ang siyudad ay patuloy na hinaharangan ng mga tumututol sa anti-Covid measures.
Ang mga protesters, na unang nakarating sa kapitolyo noong January 29, ay nagbarikada at iniharang sa mga kalsada ang malalaki nilang trak at nagtayo ng mga tent, sanhi para maparalisa ang kapitolyo na ikinasuya ng marami sa mga residente.
Nagdeklara si Mayor Jim Watson ng isang state of emerrgency bunsod ng banta ng malubhang panganib at banta sa kaligtasan at seguridad ng mga residente, na dulot ng patuloy na mga demonstrasyon at binigyang-diin ang pangangailangan para sa suporta mula sa ibang mga hurisdiksyon at antas ng pamahalaan.
Una nang inilarawan ni Watson ang sitwasyon na “completely out of control,” at sinabing mas marami ang protesters kumpara sa police officers.
Ayon sa alkalde . . . “Clearly, we are outnumbered and we are losing this battle. This has to be reversed; we have to get our city back.”
Tinawag din niyang “insensitive” ang truckers dahil sa patuloy na pagpapatunog sa kanilang busina, sirena at pagpapakawala ng fireworks na tila baga nagpa-party na sa kalsada.
Ang mga demonstrasyon ay nagsimula lamang bilang protesta ng mga truckers na galit sa vaccine requirements kung kailangan nilang tumawid sa US-Canadian border, subali’t nauwi sa mas malawak na mga protesta laban sa Covid-19 health restrictions at sa gobyerno ni Prime Minister Justin Trudeau.
Ang mga residente naman ay nagrereklamo na dahil sa ingay ng mga busina, at sa nararanasan nilang pangha-harass, pang-iinsulto o kaya naman ay hinaharang sila ng mga nagpoprotesta.
Ayon sa truckers at kanilang mga taga-suporta, ang protesta ay magpapatuloy hangga’t hindi inaalis ang Covid-related restrictions.
Nitong Linggo ay inanunsiyo ng pulisya ang isang bagong panuntunan para pigilan ang mga tao na tulungan ang mga nagpoprotesta.
Ayon sa pulisya . . . “Anyone attempting to bring material supports (gas, etc.) to the demonstrators could be subject to arrest.”