P 3 billion na pondo para sa fuel subsidy ng sektor ng Transport at Agricultural sector, inilabas na ng Malakanyang
Na-download na ng Department of Budget and Mangement o DBM sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ang 3 bilyong pisong pondo na gagamiting fuel subsidy at discount sa sektor ng transportasyon at agrikultura.
Sinabi ni Acting Budget Secretary Toni Rose Canda na 2.5 bilyong piso ang para sa fuel subsidy ng 377,443 na franchise holder nationwide ng public utility jeepney, public utility buses, UV express, mini buses, shuttle services, taxi, transport network vehicle service o TNVS, motorcycle taxis at tricycles.
Ayon kay Canda makakatanggap ang bawat operator ng tig 6,500 pisong fuel subsidy na ipapasok sa pantawid pasada card na ilalabas ng Land Bank of the Philippines.
Inihayag ni Canda 500 milyong pisong pondo naman ang ipinasok ng DBM sa Development Bank of the Philippine O DBP para sa agricultural sector kung saan mayroong 3 libong piso na fuel discount ang bawat kuwalipikadong benepisaryo sa pamamgitan ng Fuel Discount Card mula sa DBP na ipapamahagi sa mga regional field office ng Department of Agriculture.
Niliwanag ni Canda ang fuel subsidy sa Transport at Agricultural sector ay tulong ng pamahalaan para mabawasan ang epekto ng sunod-sunod na oil price increase sa bansa na bunga ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dulot ng nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac