P100 legislated wage hike , lusot na sa Senado
Lusot na sa 3rd and final reading ang Senate Bill 2534 o ang P100 legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa botong 20 pabor, walang kumontra at wala ring nag-abstain, inaprubahan na ng Senado ang panukala para magbigay ng dagdag na sahod sa may 4.2 milyong minimum wage earners.
Nilinaw ni Senador Chiz Escudero na hindi maapektuhan ng panukala ang Republic Act 6727 o Wage Rationaliation Act of 1989 gayundin ang Republic Act 9178 o ang barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.
Nangangahulugan ito na hindi apektado ng panukala ang mga maliliit na kumpanya partikular ang mga 10 lamang ang empleyado o ang mga may puhunang P3 milyon pababa.
Sinabi ng sponsor ng panukala na si Senador Jinggoy Estrada na ang panukalang ito ay tugon sa pangangailangan ng mamamayan at suporta sa mga tinawag niyang lifeblood ng mga kumpanya.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magandang panimula ang legislated wage hike na para sa pinapangarap niyang mabigyan ng living wage ang lahat ng manggagawa.
Sa panig ni Senador Grace Poe, iginiit na matagal na mula nang huling magpatupad ng legislated wage hike kaya’t napapanahon ang approval ng panukala bilang ayuda sa mga manggagawa bagama’t alam anya nilang hindi sasapat ang P100 na dagdag sahod.
Meanne Corvera