P10B financial assistance para sa mahihirap na cancer patients, isinulong sa Kamara
Isinusulong sa Kamara ang paglikha ng P10-bilyong pondo para matustusan ang pagpapagamot at pangangalaga sa mga mahihirap na may cancer.
Nakapaloob ito sa House Bill 7687 na inihain nina Davao City Congressman Paolo Duterte, Benguet Congressman Eric Yap at ACT-CIS Partylist Representative Edvic Yap.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang assistance fund na nakapaloob sa National Integrated Cancer Control Act dahil hindi ito sapat kaya nananatiling pasanin pa rin sa mga maralitang cancer patients ang malaking gastos sa kanilang pagpapagamot.
Batay sa panukalang batas ang P10billion na Cancer Medicine and Treatment Fund ay pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa pamamagitan ng mga accredited government hospitals.
Ang mga benepisaryo ng naturang pondo ay tutukuyin ng PhilHealth, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Vic Somintac