P15.1-B inilaan ng gobyerno para sa pagpapagawa ng 5,000 classrooms – DBM
Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng mahigit P15.1-billion na pondo para sa pagpapagawa ng halos 5,000 silid-aralan sa 1,194 na lugar sa buong bansa.
Sinabi ni Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na kasama sa gagastusan ng pondo ang pagpapagawa, pagpapalit at pagkumpleto sa mga kindergarten, elementary at secondary school buildings at technical vocational laboratories.
Kasama rin sa gugugulan ang paglalagay o pagpapalit ng disability access facilities, pagpapagawa ng water at sanitation facilities at site improvement.
Sa Tala ng Department of Education (DepEd), nasa 165,000 ang shortage ng bansa sa mga bagong classrooms na planong solusyunan ng kagawaran pagsapit ng taong 2030.
Ito’y kung mabibigyan sila ng P100-bilyong pondo taun-taon ng Marcos administration.
“The timely release of these funds, a joint request of the Department of Public Works and Highways (DPWH) and the Department of Education (DepEd), demonstrates that the PBBM administration does not hold back on investing in education. We need to build and repair classrooms to keep up with increasing enrollment in our public schools,” paliwanag ni Sec. Pangandaman.
Sinabi pa ng kalihim na ang napapanahong pagpapalabas ng pondo batay sa kahilingan ng DPWH at DepEd ay patunay na hindi nag-aatubili ang Marcos government na mamuhunan sa edukasyon.
Giit nito, kailangan magtayo at magkumpuni ng mga classroom para makasabay sa pagtaas ng bilang ng enrollment sa mga pampublikong paaralan.
Dagdag pa ng kalihim na kailangan ng mga estudyante ng ligtas, malinis at maaliwalas na mga silid-aralan para makapag-aral nang mabuti dahil sila ang “best investment,” ng bansa.
Eden Santos