P177.2- B na pondo kakailanganin para sa limang taong BuCor modernization plan
Iprinisinta ni Bureau of Corrections (BuCor) Acting Director General Gregorio Catapang Jr. ang development at modernization plan ng kawanihan para sa taong 2023 hanggang 2028.
Kabilang dito ang pagtatayo ng regional prison facilities at ng hiwalay na kulungan para sa heinous crime convicts.
Sinabi ni Catapang na aabot sa P177.2 billion pesos na pondo ang kakailanganin para maisakatuparan ang modernisasyon ng kawanihan.
Ayon kay Catapang, isa sa mga maaaring pagkunan ng pondo ng BuCor ay ang pag-lease o pagpapaupa sa lupain na kinatatayuan ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Alinsunod sa development plan, gagawing government center at pauupahan ang nasa mahigit 300 ektaryang bakanteng lupain sa Bilibid.
Maaari aniya itong i-lease sa halagang P1 milyon kada isang ektarya kaya posibleng makakalap ng P300 milyong pondo ang BuCor na gagamitin sa modernization plan.
Gayunman, may pondo na ang BuCor na nasa P445 million pesos na puwede nang gamitin para masimulan na ang konstruksyon ng piitan para sa heinous crime convicts sa Sablayan, Occidental Mindoro ngayong taon.
Sa Marso ay nakatakdang isumite ng BuCor kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nasabing panukala.
Moira Encina