P356-K shabu, nasamsam mula sa isang high-value drug suspect sa Pangasinan
Nakasamsam ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan at Mangaldan police, ng P356,533 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang high-value target (HVT) sa isang buy-bust operation.
Sinabi ni PDEA Pangasinan provincial officer Rechie Camacho, na ang suspek ay nakilalang si Ryan Christopher Lee, 37, ng Barangay Anolid. Naaresto rin ang kaniyang kasamahan na si Mark Carlo Serrano, 33, ng Baguio City.
Aniya . . . “We’ve been monitoring the suspect (Lee) since July and finally we were able to conduct the buy-bust operation against him at Barangay Guilig Mangaldan town on Thursday.”
Dagdag pa niya, halos nagkaroon pa ng engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at ng arresting officers.
Ayon pa kay Camacho . . . “Aside from the estimated 52 grams of suspected shabu and drug paraphernalia, we were able to seize from them a gun with live ammunition and one hand grenade.”
Batay sa kanilang imbestigasyon, sinabi ni Camacho na si Lee ay kilalang taga-suplay ng ilegal na droga sa mga bayan ng Mangaldan, Mapandan, Calasiao, at sa lungsod ng Dagupan.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 and 15 Article II ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.