P470 pesos na dagdag sahod sa NCR, inihirit ng labor group
Mula sa kasalukuyang P537 na arawang minimum wage sa NCR, hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na taasan ito sa P1,007.
Ang wage hike petition ay inihain ng TUCP sa NCR -Regional Wages and Productivity Board.
Sa petisyon, nanawagan ang grupo na dagdagan ng P470 ang daily minimum wage sa Metro Manila.
Iginiit ng TUCP na ang pinakahuling pinagtibay na wage increase ay noon pang 2018 na P25.
Panahon na anila para aprubahan ang umento sa sahod ng minimum wage earners para maiangat ang pamumuhay ng mga ito.
Ayon sa TUCP, ang talagang naiuuwi na sahod ng mga minimum wage workers ay halos P494 lamang at ang purchasing power nito ay nasa P454 lang.
Nababahala ang TUCP na kung hindi pagtitibayin ang wage hike ay baka mamatay na sa gutom at malnutrisyon ang mga minimum wage workers.
Kung mabigo din anila ang gobyerno na solusyunan ang isyu ng wage adjustment ay magdudulot ito ng mapanganib na sitwasyon dahil sa galit at poot ng mga manggagawang Pinoy.
Iminungkahi ng TUCP na kung hindi aaprubahan ang wage increase ay dapat na magpatupad ang gobyerno ng price freeze at magbigay ng fuel subsidies.
Binigyang -diin pa ng labor group na kung tutuusin ay kulang pa ang hirit nila na dagdag sahod at ito ay dapat na P710.
Naniniwala ang TUCP na mas huhusay at bibilis ang recovery ng ekonomiya ng bansa kung tataasan din ang suweldo ng mga manggagawa.
Moira Encina