Paano Kikita sa Panahon ng Pandemya?
Kumusta na kayong lahat.. ating pag-uusapan sa araw na ito ang paraan kung paano kikita sa panahon ng pandemya… Isa na rito ay ang proseso sa paggawa ng Tilanggit.
Ano nga ba ang tilanggit? Ito ang tilapiang malinggit. Ang maliliit na tilapia ay pinoproseso tulad ng pagdadanggit. Sinimulan ang prosesong ito ng College of Fisheries ng Central Luzon State University sa Nueva Ecija na kanilang tinawag na Tilanggit.
Ayon sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development o PCAARRD, napakasimple at madaling gawin ang proseso ng paggawa ng Tilanggit.
Una muna ay gagawa tayo ng brine solution, paghalu-haluin ang tubig, asin, bawang at paminta sa tubig. Sa bawat kalahating kilong isda lagyan ito ng isang tasang asin at apat na tasang tubig, 5–7 pirasong bawang, at isa hanggang dalawang kutsaritang paminta. Ang brine solution ang nagbibigay ng lasa sa tilanggit. Bukod dito, naiiwasan din ang pagkadurog ng isda.
Pangalawa, tanggalan natin ng tinik ang tilapia, hiwain ito ng tulad sa paghihiwa ng daing na isda, at ibabad ito sa ginawang brine solution sa loob ng 30–60 minuto o isang oras.
Pangatlong, ang proseso ay ang pagpapatuyo sa ibinabad na tilanggit. Ibilad ang tilanggit sa sikat ng araw sa loob ng walo hanggang sampung oras. Maaari ding gumamit ng mechanical dryer para mapatuyo ito.
Pwede rin namang gumamit ng alternatibong paraan sa pagpapatuyo ng tilanggit, ayon sa PCAARRD, ibilad sa unang tatlo hanggang apat na oras sa umaga at pagkatapos ay I-air dry. Ulitin ang proseso at gawin sa loob ng dalawang araw.
Handa na ang ating tilanggit, at ang magandang balita mga kaibigan, maaaring ibenta ang tilanggit sa halagang P70.00 per gram.
Pwedeng pwedeng pagkakitaan, di ba ?