Pacquiao tanggap nang hindi na magkakatotoo ang kaniyang Oylmpic dream
Dismayado man at malungkot, tanggap na ni Manny Pacquiao na hindi na mangyayari ang kaniyang Olympic boxing dream, nang hindi siya payagang lumahok sa 2024 Paris Oylmpic.
Inanunsiyo ng Philippine Olympic Committe (POC), na tinanggihan ng International Olympic Committee (IOC) ang isang special request para makalahok si Pacquiao sa Olympic.
Sinabi ng 45-anyos na si Pacquiao, na nirerespeto niya ang desisyon ng IOC, na ang itinakdang age limit para sa Olympic boxers ay 40.
Ayon sa pahayag ni Pacquiao, na nagwagi ng world titles sa walong iba’t ibang weights sa panahon ng kaniyang boxing career sa loob ng mahigit 25 taon, “While I am very saddened and disappointed, I understand and accept the age-limit rules.”
Noong isang taon ay humiling ang Pilipinas sa IOC para sa isang “universality place” para kay Pacquiao, na hindi pa nakalalahok sa boxing event sa Olympics.
Ang universality places ay karaniwang ipinagkakaloob sa mga atleta mula sa maliliit na mga bansa na nahirapang makakuha ng slots sa Olympics sa pamamagitan ng normal na kwalipikasyon.
Sinabi ni POC president Abraham Tolentino, na ang pasya ng IOC ay magtatanggal sa bansa ng isang tiyak na unang gintong medalya sa Olympic boxing.
Ayon naman kay Pacquiao, susuportahan at ipagbubunyi niya ang mga atletang Pinoy na lalahok sa Olympics.
Pinaalalahanan din niya ang kaniyang fans na sa kabila ng kaniyang pagreretiro, ay plano pa rin niyang “magdala ng karangalan sa bansa sa loob ng boxing ring sa nalalapit na hinaharap.”
Si Pacquiao ay nagretiro noong 2021, bago ang nabigong pagtakbo sa halalang pampanguluhan.
Kinumpirma naman ng isang aide nito, na lalaban si Pacquiao sa Thai kickboxer na si Buakaw Banchamek sa April 20 sa isang exhibition match sa Bangkok.
Dagdag pa ng aide, ang laban kontra sa Muay Thai great na si Buakaw ay gagawin sa ilalim ng international boxing rules.